Welcome to BDJ Online!

Welcome to the Baptist's Digest Journal Online. You will still read the same articles that will challenge, motivate, inspire and inform you in the Christian Life and Doctrine.May God use this blog to whatever purpose to decides to for your life.


This blog is an online ministry of Capitol Bible Baptist Church, Tanza, Cavite, Philippines. You can visit our church's website: www.capitolbiblebaptist.multiply.com.


Monday, December 6, 2010

The Real Issue: Why Stewardship? by Bishop Felizardo Abanto

Sa biblikal na stewardship ang tunay na isyu ay hindi pera at salapi. Sa totoo lang ito ay tungkol sa pagbabagong-loob at ispiritwalidad. Ang tunay na pagbibigay sa Dios at ang Gawain ng Dios ay isang bagay ng Ispiritu ng Dios. Ang mga bagay ng Ispiritu ng Dios ay kabaliwan sa mga likas o hindi ligtas na tao. Ang mga makakasulatan na mga katuruan ay nauunawaan lamang sa pamamagitan ng pagliliwanag ng Ispiritu ng Dios. Walang tao na tinatawag si Jesus na Panginoon ngunit sa pamamagitan ng Banal na Ispiritu. Tanging ang isang anak ng Dios ang makakatanggap ng ganitong katuruan tungkol sa stewardship (o pagkakatiwala).

Hindi maunawaan ni Judas kung kayang magsayang ni Maria ng isang napakamahal na uri ng pabango sa Panginoon. Ngunit si Zacchaeus ay handang ibigay ang kalahati ng kanyang mga ari-arian sa mga mahihirap at ibalik nang makaapat na patong anuman ang nakuha niya sa pamamagitan ng pandaraya, kahit na ang batas ay humihingi lamang ng pagbabalik ng nakuha, na may dalawampung porsiyentong interes. Kahit na dati ay interesado lamang siya sa pagkamal, ngayon dahil siya’y isa nang mananampalataya, handa na siyang magbigay para sa Panginoon. Si Zacchaeus ay nakaranas ng pagbabago ng puso dahil tinanggap na niya si Jesus bilang kanyang Panginoon.

Ang pangalawang salik ay ang ispiritwalidad o ang antas ng pagpapasok ng anak ng Dios sa Kanyang mga kautusan. Ang Biblia ay kumikilala ng dalawang uri ng mga mananampalataya: ang karnal at ang ispiritwal. Ang karnal na Kristiano ay hindi pa talaga nagpapasakop sa Dios. Nabubuhay pa rin siya na parang isang di-mananampalataya. Siya ay tulad ng isang sanggol na kailangan pang matutunan ang bawat bagay. Nakakalito sa mananampalataya at di-mananampalataya ang mga karnal na Kristiano. Nagsasasabi siya na siya’y ligtas ngunit nagkukulang sa pananampalataya at mabuting gawa. Siya ay hindi matapat. Para siyang isang ngipin na may sira at isang paa na wala sa ayos. Kailangan niyang lumago at maging mature. Sasaktan niya ang iyong puso at bibigyan ka niya ng sakit ng ulo. Magkakaroon ng inggitan, awayan, at pagkakahati-hati dahil sa kanya. Hindi natin sila kailangan sa iglesya.

Sa kabilang banda ay ang ispiritwal na Kristiano. Siya ang kaligayahan ng Panginoon at ang haligi ng kanyang pamilya at ng iglesya. Siya’y nagpapasakop nang buo sa Panginoon. Ang kanyang buhay ay huwaran sa lahat sa komunidad. Siya’y nirerespeto at sinusunod ng kanyang mga anak. Nais nilang maging gaya niya. Ang kanyang asawa, na kanya pa ring kasama, ay nagpapasakop sa kanyang pamumuno at itinataas siya nang gayon na lamang sa pag-ibig. Siya ay isang mabuti at matapat na katiwala ng Dios: ibinibigay ang kanyang ikapu, mga handog, misyon, firstfruits at iba pang pagbibigay para sa gawain ng Panginoon. Siya ay isang aktibong mang-aakay ng kaluluwa at masigasig na nakikilahok sa lahat ng mga gawain ng iglesya. Ang kanyang katapatan sa pastor niya at iglesya ay hindi mapapasubalian. Ang kanyang pamumuno ay hindi mapupulaan. Kaya nga lahat ng pastor ay nais siya bilang miyembro. Iniisip mo ba na ang ispiritwal na Kristiano ay maghihirap at mabu- “burn out” dahil sa lahat ng mga ito? Hindi.

“He shall be like a tree planted by the rivers of water. His leaf also shall not wither and whatsoever he doeth shall prosper.”

Ang ispiritwal na Kristiano ay natutunan na ang tunay na isyu ng biblikal na pagkakatiwala ay hindi pera at salapi ngunit tunay na pagbabagong-loob at buo na pagpapasakop sa Dios.

Nawa ang lahat ng ating mga miyembro ay maging tunay na mananampalataya at magpakita ng ispiritwalidad sa kanilang mga buhay. Amen. bdj

Ang article na ito ay isang dinagdagan at isinalin-sa-Tagalog na bersyon ng artikulong isinulat ng ating mahal na pastor, Bishop Felizardo D. Abanto, para sa Baptist’s Digest Weekly 44 (BDJ Volume 1, Issue 44), November 9, 2008.

If you want to avail a copy of BDJ Volume 3, Issue 42 (CYPA Paper Ministries' 3rd Anniversary Edition Issue), just post a comment here.

Unbelief


Isipin mo ang hitsura ng mundo nang likhain ito ng Dios. Ang liwanag, ang tubig, ang lupa, ang mga halaman, ang mga ibon, ang mga nilalang sa dagat, ang mga hayop sa lupa – napakaganda, hindi ba? Dinagdagan pa ng dalawang tao, sina Adan at Eba, pinagkatiwalaan ng Dios sa pamumuno at pangangalaga ng mundo. Wala na silang hihilingin pa. Maayos ang lahat – at mananatiling maayos ang lahat, ayon sa Dios, kung hindi sila kakain mula sa Puno ng Pagkaalam ng Mabuti at Masama.
Isipin mo yung oras na lumapit si Eba sa punong iyon – ayaw mo na sigurong isipin, dalhin alam na ang kwento. Tinukso siya ng ahas at sinabing hindi totoo ang babala ng Dios na sila’y mamamatay kapag kinain yung bunga niyon, at si Eba, dahil nagdalawang-isip, ay nabuo ang hindi paniniwala sa Dios, at kinain sa bandang huli ang bunga ng punong iyon. At nagbigay pa kay Adan, na kumain din – at alam niyo na kung ano ang mga sumunod na nangyari. (Genesis 3:1-19)
Maraming nangyari pagkatapos niyon – mga masasakit, at masalimuot na mga pangyayari – at nagpatuloy ang paulit-ulit na proseso ng mga ganoong klase ng pangyayari hanggang sa lumabas ka sa mundong ito. At alam ko na masalimuot din, at masasakit, ang karamihan ng mga nangyayari sa’yo ngayon, at ayaw mo mang isipin, ay marami pa ang siguradong darating.
Ngunit ang artikulong ito ay hindi para aluin ka, pasayahin ka, o damayan ka sa anumang pinagdadaanan mo. Ito ay para ipakita sa’yo kung ano ang puno’t dulo ng lahat ng mga nangyari sa kasaysayan – mula sa pagpapalayas kina Adan at Eba mula sa Hardin ng Eden hanggang sa kung anumang nangyari sa’yo ngayon. Alam mo ba kung ano iyon? Hindi mo siguro akalaing iyon nga, pero ito – nangyari ang lahat ng nangyari dahil sa unbelief – o hindi paniniwala. Bakit ba kinain nina Adan at Eba ang bungang iyon? Dahil hindi sila naniwala sa sinabi ng Dios. At ang bunga noon? Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng sumpa mula noon hanggang ngayon (Romans 5:12).
Iyo bang naisip iyon? Ang pinakamabigat palang kasalanan sa Dios sa lahat ay ang di-paniniwala? At na ang kasalanang ito ang may pinakamabigat ding kaparusahan?
Isipin mo yung mga tao sa panahon ni Noe (Genesis 6-7). Bakit sila naiwang nalulunod at nagkakadamatay sa baha? Sa kabila ng kanilang mga imoralidad at kasalanan, maaari naman silang makaligtas doon, kung maniniwala lamang sila sa pangangaral ni Noe. Ngunit hindi sila naniwala sa babala ng Dios. Akala nila biru-biro lang. Akala nila nababaliw lamang si Noe. Magtatayo ba naman ng arko sa gitna ng bukid? Ngunit dahil hindi sila naniwala, kasama sila ng buong mundo na ginunaw sa pamamagitan ng tubig. (2 Peter 2:5; 1 Peter 3:20)
Isipin mo ang mga Israelita sa panahon ni Moises (Numbers 13-14). Paano nangyari na ang pitong araw lang na paglalakbay papuntang Lupang Pangako ay naging apatnapung taon ng pag-iikot sa parang na nagresulta sa kamatayan ng mga taong may edad 21 at pataas (14:30-35)? Dahil hindi sila naniwala sa kapangyarihan ng Dios na kaya silang iligtas mula sa gutom, uhaw, mga higante. Akala nila dinala lang sila ng Dios sa paglalakbay upang mamatay sa gutom o magapi ng mga higante. Akala nila. At iyon – patay silang lahat – dahil hindi sila naniwala.
Isipin mo rin ang Israel sa panahon ng mga hari’t propeta (1 & 2 Kings). Bakit kaya ang galit ng Dios ay bumuhos sa kanila, na nagdulot ng pagkamatay ng marami sa kanila sa pamamagitan ng tabak, gutom, salot, at iba pa? Bukod pa roon ay pagiging alipin ng mga bansang hindi nila kilala? Bakit? Dahil hindi sila naniwala ng iisa lamang ang Dios na dapat sambahin (kaya sumamba sila sa ibang mga dios-diosan), at dahil hindi sila naniwala sa mga babala ng propeta ng Dios, tulad nina Esaias, Jeremias, Ezekiel, Amos, atbp. Hindi na nila kailangan pang maranasan pa ang mga naranasan nila kung naniwala sila. Ngunit hindi – hindi sila naniwala.
Isipin mong muli ang Israel noong 70 A.D., kung saan ang pinunong Romano na si Titus ay sinalakay at pinagpapatay ang mga mamamayan nito – bata, matanda, babae, lalaki, alipin, o malaya – at kinalat at ginawang alipin naman ang iba sa iba’t ibang panig ng kilalang mundo. Ito’y katuparan ng hula ni Kristo (Matthew 24:2; Mark 13:2; Luke 19:44; 21:6), ngunit, bakit? Ito ay dahil, apatnapung taong nakalipas, ay tinanggihan ng parehong mga Israelita si Jesus (na nagresulta sa pagpako nila sa Kanya) at hindi pa rin naniwala sa kabila ng makapangyarihang patotoo ng iglesya (kaya ipinag-usig nila ito). Hindi sila naniwala na si Jesus ang Messias, ang Kristo, ang Anak ng Dios na darating sa sanlibutan. Hanggang sa panahon natin ngayon, ang Israel ay nasa estado pa rin ng di-paniniwala, kaya hinulaan sa Salita ng Dios na mananatili ang gulo sa bawat dako nila, at sila matatahimik hanggang sa dumating ang Panginoon muli.
Idagdag mo sa iyong isipan ang mga maiiwan sa mundo pagdating ng Rapture. Ang mga ligtas ay kukunin ng Dios papunta sa Kanyang piling, upang hindi madamay sa pagbuhos ng Kanyang galit (1 Thessalonians 4:15-18; 5:1-2), ngunit ang mga hindi ligtas ay maiiwan upang maranasan ang pinakamatinding pagbuhos ng galit ng Dios sa buong kasaysayan ng lupa (v. 3). Isipin mo na lang kung ano ang mga mangyayari – bubuhos ang mga salot, sakit – ngunit bakit? Bakit kailangan pa nitong mangyari sa hinaharap? Isang sagot: dahil hindi sila naniwala kay Jesus, sa Dios, sa Kanyang Salita – na patotoo ng maraming mga iglesya sa panahon natin ngayon.
At bakit maraming tao ang nasa impyerno na ngayon, at may marami pa na papunta doon? Bakit nila nararanasan (o mararanasan) ang init ng walang-hanggang apoy, uod na hindi namamatay, at pagiging hiwalay sa Dios magpakailanman (Revelation 21:8)? Bakit? Nahulaan mo na siguro, o marahil alam mo na: dahil hindi sila naniwala (o naniniwala) sa mga pangaral ng mga anak ng Dios, na galing sa Kanyang Salita. Dahil akala nung iba si Jesus at ang Biblia ay isa lamang alamat; o akala nung iba sa mga gawa nila sila maliligtas, o sa kanilang relihiyon, o sa kanilang rebulto. Hindi kasi sila naniniwala.
Naisip mo ba iyon? Na hindi pagsuway, o disobedience, ang pangunahin at pinakamalaking kasalanang magagawa mo sa Dios? Pumapangalawa lamang ito sa di-paniniwala, o unbelief. Dahil bago ka sumuway sa Dios, unang-una ay hindi mo muna pinaniwalaan na Salita iyon ng Dios, o na may konsekwensya iyon. Bakit ba ang anak ay hindi sumusunod sa magulang? Dahil hindi siya naniniwalang paparusahan siya kapag sumuway siya. Pero ang matino ang pag-iisip ay naniniwala na walang pinalalampas ng Dios.
Bakit ba ang isang Kristiano ay hindi pinagpapala ng Dios? Bakit? Dahil hindi siya naniniwala na ang pagbabalik ng ikapu, at pagbibigay, ay magreresulta sa pagpapala Niya, kahit na ano’ng sabi pa ng Kanyang Salita (Malachi 3:10; Luke 6:38), kahit pa ano’ng hindi na mabilang na halimbawa na makikita sa buhay ng ibang Kristiano. Kaya alam mo na siguro kung sino ang madalas mangutang at pagka-utangan – kung sino ang madalas na kapos o ang madalas na sapat o higit pa. Kilala mo na. Base iyon sa kung sino ang naniwala at di-naniwala.
Bakit ba may mga Kristiano na hindi lumalago, may sirang pamilya, o higit pa roon ay sira maging ang kanilang mga sarili? Dahil hindi sila naniniwala na ang pakikinig (na nangangahulugang pagdalo sa mga pagtitipon), pagbabasa at pagbubulay ng Kanyang Salita, pananalangin, at pagsunod ay magdudulot ng paglago, matibay na mga pamilya, at matitibay na mga sarili – isang bagay na malinaw naman na nakasaad sa Kasulatan (Hebrews 10:25; Joshua 1:8; 1 Thessalonians 5:17-18; 1 Peter 5:7; John 14:15, 23; cf. Psalm 1) at kitang-kita sa mga halimbawa ng mga buhay ng mga naniniwala dito. Kaya ang mga anak ay rebelde o suwail, kaya ang asawa ay mapait, at kaya sila mismo ay miserable at magulo ang mga pag-iisip. Akala kasi nila ang pagsunod sa Dios ay pahirap, pabigat, pampaalis ng saya at sigla ng buhay. Akala kasi nila, akala kasi nila.
Nakita mo na ba kung gaano kabigat ang hindi paniniwala sa Dios? Maaaring sabihin ng bibig mo na naniniwala ka naman sa Kanya at sa Kanyang Salita, ngunit iba naman ang sinasabi ng puso mo. Dahil kung ano ang nasa puso ay lumalabas sa ating mga kilos, aksyon, at desisyon. At mukha pare-pareho sa simula, ang makikita mo sa buhay ang magsasabi kung naniniwala ka ba o hindi. Puno ka ba ng hindi paniniwala? Iyan siguro ang dahilan kung bakit hindi ka nagsisimba, nagbubulay-bulay ng Salita ng Dios, nananalangin, o sumusunod sa mga ipinag-uutos Niya.
Kung nasa ganito kang sitwasyon, napakalaking kasalanan ang ginagawa mo sa Dios. Panahon na upang ikaw ay magsisi at ipahayag ang kasalanan mong ito. Ngunit kung hindi pa rin naniniwala, maghintay ka lang, napakalaki rin ng parusang darating sa’yo, o konsekwensya. At maniwala ka, hindi kita tinatakot.
KNOW MORE
Nais mo pang makita kung ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa unbelief o di-paniniwala? Basahin at pagbulay-bulayan sa iyong isip ang mga talatang ito: Matthew 13:58; Matthew 17:19-20; Mark 6:1-6; Mark 9:20-24; Mark 16:9-14; Romans 11:20-32; Hebrews 3:7-19; Hebrews 4:1-6.

PUT IT TO LIFE
Ilista mo ang mga aspeto ng iyong buhay na nagpapakita ka pa rin ng kawalan ng paniniwala sa Dios. Maging tapat; tandaan, hindi lang sa bibig ang paniniwala, nagmumula ito sa puso. Kapag nailista mo na, idalangin mo sa Dios na masimulan mo nang pagtagumpayan ito.  bdj

If you want to avail a copy of BDJ Volume 3, Issue 41, just post a comment here.