Takot at Pag-ibig by Elijah E. Abanto
“THERE IS NO FEAR IN LOVE; BUT PERFECT LOVE CASTETH OUT FEAR: BECAUSE FEAR HATH TORMENT. HE THAT FEARETH IS NOT MADE PERFECT IN LOVE” (1 JOHN 4:18).
February 10. Martes. Gabi. Nag-good night na ako kina Tatay, Mommy, Ate, at Micah na nasa pastor’s lounge ng Bible School. Umakyat na ako patungo sa Boys’ Dorm. Pagkatapos mag-tooth brush, pumunta na ako sa higaan. Bigla kong naalala ang BDJ at natanong ang aking sarili kung, Ano kayang isusulat ko na article? Tamang-tama pagluhod ko para manalangin biglang may pumasok sa ulo ko: There is no fear in love. Natigilan ako. Matagal ko nang hindi nababasa ang passage na iyon ngunit iyon ang biglang dumaan sa isip ko—Diyos malamang. ‘Thank you’ agad ako!
Tamang-tama yung passage dahil kakapakinig ko lang ng Christian radio kagabi na nangaral tungkol sa pagiging takot at ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
Mula sa nakaraan na article ay may makikita tayong hindi maitatangging katotohanan: Pag-ibig sa Diyos ang nag-aalis ng takot. Naalala niyo kung paano ibinahagi ng Rusong Judio ang kanyang kaligtasan? Kung paano siya namatay? Dahil sa kanyang pag-ibig sa Diyos nawalan na siya ng takot—takot maging sa kamatayan.
Basahin mong muli ang 1st John 4:18. Basahin mo pa uli sa Tagalog para lalo mong maintindihan. “Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.” Ganap ka na ba sa pag-ibig mo sa Diyos? Ganon mo na ba kamahal ang Diyos at hindi ka na natatakot? Hindi pa yata.
Unang-unang halimbawa ay ang mga takot sa multo, ipis, daga, o iba pang maliliit na bagay. Pakiramdam natin lagi tayong may katabing ispiritu, nakatinging multo, na maya-maya ay tatakot nang maigi sa atin at hindi na tayo makapaglakad pauwi at iiyak na lang tayo sa isang tabi. Sa ipis o daga—kamusta ka naman! Bakit ka nagtatatalon kapag may ipis na dumaan? Pag may itim na dagang cute na gumagala? Pag may gagamba? Bakit? I’m serious. Masyado na tayong natatakot sa maliliit na bagay, paano pa ang malalaki? Huwag nating sabihin, “Talagang ganito na ako, eh.” “For God hath not given us the spirit of fear; but of power, and of love, and of a sound mind” (2 Timothy 1:7).
Pangalawa ay sa pamumuhay bilang Kristiano. Maraming mga Baptist ang natatakot na makilalang Baptist dahil kantiyawan sila, baka lokohin sila, o baka tanungin sila ng tanong na hindi masasagot. Kaya nakikisama tayo sa marumi nilang gawain. Ganito ba natin kamahal ang Diyos?
Pangatlo, sa pagso-soul winning. Sinabi ng Mark 16:15: “Go ye into all the world and preach the gospel to every creature.” ‘All the world,’ ngunit tayo, takot na witness-an ang ating pamilya. Wala pa tayo sa mundo, nasa bahay pa lang. Much more sa labas. Lumalagpas tayo sa mga bahay sa house-to-house kasi baka tanggihan tayo o deboto sa relihiyon. Ngunit kung ganoon na lang ang pag-ibig natin sa Diyos, hindi tayo papayag na hindi ma-witness-an ang lahat ng dumadaan sa landas natin. And yet, when recording visitation hours, ang naririnig ko “Zero,” nakakakita ako ng mga binilog na daliri, tangong pakanan-kaliwa, o kamay na kumakampay. Bakit tayo natatakot? Dahil hindi pa ganap ang pag-ibig natin sa kanya.
Pang-apat, sa pang-uusig ng mga hindi Kristiano. Marami sa mga kabataan, tumigil na sa pagdalo sa iglesiya dahil—takot sa magulang. Maraming tumatakas sa magulang—dahil sa takot sa kanila. Ganito ba natin kamahal ang Diyos, na kailangan pa natin silang nawala bago tayo umalis? O magsinungaling? Why? Alam naman natin ang verse na “All that will live godly shall suffer persecution,” ngunit sa takot na maranasan ito ay tinatakasan natin. Alam niyo bang nagsaya pa ang mga apostol dahil naging “karapat-dapat sila na maghirap para kay Kristo”? Hinagupit ang mga iyon—ikaw, nahagupit na ba? Ganyan ba ang pagmamahal mo sa Diyos? Ganyan ba, na kapag may trabaho ka, ay hindi ka a-absent kahit Prayer Meeting, Fasting, o soul winning—dahil takot ka na baka tanggalin ka? Ganito ba natin kamahal ang Diyos? Bakit tayo natatakot? Bakit?
Lahat tayo dumaan diyan. Kahit ako—kala niyo siguro dahil matapang akong magsalita laban dito, wala na akong takot? Ngunit naisip ko, Ang Diyos—ang Diyos, ang kasama ko, pero bakit ako natatakot, bakit? Dahil hindi pa ganap ang pag-ibig ko sa Kanya. Kung mahal ko Siya talaga, hindi ako matatakot—hindi ka matatakot, na sumunod sa Kanya—anuman ang kapalit. Kailan mo gagawing ganap ang pag-ibig mo sa Kanya? Ngayon na, kapatid—ngayon na. Mayroon pa namang panahon eh. Buhay ka pa. BDJ