by Charles Colson
Bilang paghahanda, bago isinulat ni Charles Colson ang kabanatang ito ay ikinwento muna niya ang kasaysayan ng buhay ni Boris Kornfeld, isang Judiong doktor noong namamayagpag pa ang Soviet Union, isang Komunistang grupo na kinapapalooban ng Russia, at ang malupit nitong diktador na si Stalin. Doon ay naging preso siya, ngunit bilang isang doktor ng mga sundalo sa prison camp. Nakita niya ang kalupitan ng sundalo roon, at ng Komunismo sa kabuuan, at hindi nagtagal sa puso niya ay tinalikuran niya ang mga ito, at nanampalataya kay Jesus bilang kanyang Tagapagligtas. Mula noon ay sumusuway na siya sa mga malupit na utos ng mga sundalo doon, tulad ng pagpatay sa mga pasyente niyang hindi nagugustuhan ng mga sundalo. Ang naging sukdulan pa ay ang pagbabahagi niya ng Salita ng Dios sa isang pasyente. May nakarinig sa kanya, at sinumbong sa isang sundalo. Kaya noong kinagabihan, sa pagtulog niya, ay pinukpok ang kanyang ulo ng maso nang walong beses na agad niyang ikinamatay. Ang pasyenteng binahaginan niya ng Salita ng Dios ay naligtas din, na nakalaya sa Komunismo roon, at ipinamahagi sa buong mundo ang kanyang ginawa. Iyon si Alexander Solzhenitsyn.
Si Boris Kornfeld ay isang dakilang isinataong kabalighuan (paradox). Isang Judio na tinalikuran ang pananampalataya ng kanyang mga ninuno. Isang doktor na nasayang nang walang katuturan ang mga taong ginugol sa pagsasanay. Isang political na ideyalista kung saan ang pangitaing maganda ay nauwi sa isang tigang na kulungan ng Siberia. Isang preso na ibinigay ang buhay para lamang sa isang nanakaw na isang piraso ng tinapay. Sa bawat isa sa mga aspetong iyon, si Boris Kornfeld ay isang bigo—iyon ay sa sistema ng pagpapahalaga ng sanlibutan. Ngunit kinuha ng Dios ang kabiguang iyon ng isang tao upang madala kay Kristo ang isang tao na magpapatuloy bilang isang mala-propetang boses at isa sa mga pinakama-impluwensyang manunulat sa buong mundo.
Sapagka’t ang mga salita ni Kornfeld ay ginawa ang mapangkumbinse at mapang-convict na gawain nito, hinihipo ang tinawag paglaon ni Solzhenitsyn na “isang sensitibong pisi.” Iyon ang kanyang sandali ng ispiritwal na pagkabuhay; “Dios ng kalawakan, naniniwala akong muli sa Inyo! Kahit na itanggi Kita, nariyan Ka pa rin,” kanyang isinigaw. Isa yung ispiritwal na pagsasalin—ang buhay na kinuha mula sa isang tao at inilipat sa isa para sa isang layunin ng Dios.
At sa kanyang kaligtasan ay nakita ni Solzhenitsyn ang kabalighuan ng kaharian ng Dios. Sapagka’t sa kahungkagan ng Russian gulag na iyon ay kanyang naramdaman ang isang bagay na hindi makita ng milyung-milyong naghahanap ng kaligayahan sa kayamanan ng buhay-Kanluran. Isinulat niya paglaon, “ang katuturan ng pamumuhay sa lupa ay nakasalalay, hindi sa isang kaisipan na kinalakihan natin, ang pagyaman, kundi sa paglago ng kaluluwa.”
Ang maikling buhay-Kristiano ni Kornfeld ay naisabuhay sa isang limitadong sitwasyon at paligid, halos nasa isolation, o pagkakahiwalay sa karamihan, pa nga. Sa maraming paraan ay maaari nating isipin na ang kanyang desisyon na huwag pirmahan ang mga medical forms [o “death certificate” kung baga para sa mga preso], kanyang pag-uulat ng pagiging korap ng isang bantay [sa pagnanakaw nito ng tinapay na para sa mga pasyenteng preso], kahit na ang kaunting oras ng pagpapatotoo sa isang halos-mamatay na na pasyente ay walang kabuluhan, at magdadala lamang sa kanya ng wala kundi ng kung ano ang nangyari sa kanya sa katapusan—ang brutal na kamatayan sa mga kamay ng mga dumakip sa kanya. Ngunit ang pananampalataya ni Kornfeld ay malakas, tiyak, at sinsero. At kahit papaano ang kapwa niya Kristiano at ang Banal na Ispiritu ay nagbahagi ng isang katotohanan sa kanya: ang hinihingi sa kanya ng Dios ay pagsunod, anuman ang mangyari. Pagsunod nang may iisang pag-iisip sa pananampalataya.
At iyon ang aral ng Rusong doktor na ito: ang nais ng Dios mula sa Kanyang bayan ay pagsunod, kahit na ano ang sitwasyon, kahit na hindi alam kung ano ang kalalabasan nito.
Lagi na namang ganito. Ang Dios na tinatawag ang Kanyang bayan sa pagsunod at nagpapakita lamang ng pahapyaw ng kung ano ang mangyayari sa kanilang mga pagpupunyagi.
Karamihan sa mga dakilang katauhan sa Lumang Tipan ay namatay nang hindi nakikita ang katuparan ng mga pangako na kanilang pinanghawakan sa buong buhay nila. Ginugol ni Pablo ang buong buhay niya sa pagtatatag ng unang iglesia, ngunit habang papalapit na ang kanyang kamatayan ang lahat ng kanyang nakita ay isang linya ng maliliit na kongregasyon sa Mediterranean, at marami pa sa mga ito ay pinahina ng makalamang kalayawan o pagkakahati dahil sa maling doktrina.
Nitong mga mas kabaguhan na mga panahon, ang dakilang kolonyal na pastor na si Cotton Mather ay nanalangin para sa revival nang mga oras araw-araw sa loob ng dalawampung taon; ang Great Awakening (“Dakilang Paggising”) [sa Amerika] ay nagsimula sa taon ng kanyang kamatayan. Sa huli ay tinanggal na rin ng Imperyo ng Britanya ang pang-aalipin habang ang Kristianong taga-parliamento at pinuno ng kilusan na alisin ang slavery na si William Wilberforce ay nakahimlay sa kanyang kamatayan, pagod matapos ang halos limampung-taon niyang kampanya laban sa kasanayan ng pang-aalipin ng tao. Napakakaunti ng mga nadala sa Panginoon sa buong buhay na pagmi-misyon ni Hudson Taylor sa silanganan: ngunit ngayon ay milyung-milyon na ng mga Tsino ang yumakap sa pananampalataya na buong pagpapasensya niyang tinanim at inalagaan.
Mayroong mga maaaring mag-isip na ang ganitong klase ng dibinong modelo ay malupit, ngunit ako’y kumbinsido na mayroong dakilang karunungan dito. Nalalaman kung gaano tayo kadaling tawagin ng sirena ng tagumpay, hindi tayo hinahayaan ng Dios na makita ito, at samakatwid ay luwalhatiin ang sarili, sa kung anong ginawa sa pamamagitan natin.
Ang isang iskriptyural na analohiya ng hindi nagtatanong na pagsunod na inaasahan ng Dios ay makikita sa pagpapagaling ni Jesus sa alipin ng isang centurion. Sinabi nina Mateo at Lukas kung paano lumapit ang centurion kay Kristo para sa paralisadong alipin niya; nang alukin siya ni Jesus na puntahan ang alipin, mabilis na tumugon ang centurion na kailangan lamang magbigay ni Jesus ng kautusan at ang alipin niya ay gagaling na. Naintindihan ng centurion ang mga tungkol sa bagay na ito dahil tuwing uutusan niya ang kanyang mga sundalo na humayo, humahayo ang mga ito; sa kaparehong paraan ay naintindihan niya ang awtoridad ni Jesus na tulad ng isang komander ng militar kung saan ang isang tao ay nagbibigay ng pagtalimang walang tanung-tanong. Dahil sa ligayang dulot na pagkakadiskubre ng ganoong klase ng pananampalataya, hindi lamang pinagaling ni Jesus ang alipin, kundi ginamit ang centurion bilang halimbawa ng pananampalataya sa Kanyang mga salita sa karamihan.
Ginagawang malinaw ng Biblia, at ang mga karanasang tulad ng kay Kornfeld ay kinukumpirma, na ang walang tanung-tanong na pagtanggap ng at pagsunod sa awtoridad ni Jesus ay ang haligi ng buhay-Kristiano. Ang iba pa ay nakasalalay na rito. Ibinibigay din nito ang susi sa pag-unawa na para sa marami ay isang malaking misteryo ng Kristiyanismo: ang pananampalataya.
Ang nagliligtas na pananampalataya—yung kung saan tayo ay napapaging-matuwid, ginawang matuwid sa Dios—ay isang kaloob ng Dios; at, oo, kasama rin dito ang isang rasyonal na proseso dahil ito ay nagmumula sa pakikinig ng Salita ng Dios. “O sige,” maaaring sabihin ng isang nakikibakang Kristiano, “ngunit kung praktikal na sasabihin paano ba nagiging totoo ang aking pananampalataya? Paano ko ba makakamtan ang ganoong klase at tibay ng pananampalataya ng isang lumalagong Kristiano?”
Doon pumapasok ang pagsunod. Para sa lumalagong pananampalataya—yung pananampalataya na lumalalim at lumalaki habang isinasabuhay natin ang ating buhay-Kristiano—ay hindi lamang kaalaman, kundi kaalaman na kinikilusan. Hindi lamang iyon paniniwala, ngunit paniniwalang isinasabuhay—sinasanay. Sinabi ni Santiago na dapat tayong maging mga tagagawa ng Salita, hindi lamang mga tagapakinig. May isang Alemang pastor na na-martyr sa Nazi concentration camp na nagsabi, “Yun lamang na naniniwala ang masunurin; yun lamang na sumusunod ang naniniwala.”
Mukha man itong paikot na proposisyon, ngunit marami namang bagay na ganito—sa katotohanan at sa kasanayan. Isipin mo na lang ang tungkol sa pagkatuto na lumangoy. Sinasabi sa atin kung ano ang gagawin. Tapos naiilang tayong hahakbang sa tubig, lalangoy, at biglaan ay makakalimutan ang lahat ng sinabi sa atin. Humahampas tayo sa tubig, naghahabol ng hininga at lumulubog. Sa bandang huli, kadalasan sa punto na lubusan na tayong nawalan ng pag-asa, sa isang sandali ay nakukuha na natin ang pakiramdam nang nakalutang. At dahil naisip nating posible nga ito, naaalala natin ang mga instruksyon sa atin at sinisimulan na natin itong sundin. At gumagana nga ito. Tulad ng pag-aaral na balansihen ang bisikleta o pagpapakadalubhasa sa isang banyagang wika, ang pananampalataya ay kalagayan ng pag-iisip na lumalabas sa ating mga ginagawa, at namumuno sa ating mga aksyon.
Kaya ang pagsunod ang susi sa totoong pananampalataya—ang hindi mayayanig na uri na pananampalataya na makapangyarihang naipakita sa buhay ni Job. Nawala kay Job ang kanyang pag-aari, kanyang pamilya (bukod sa isang mapag-angil niyang asawa), kanyang kalusugan, kahit na ang kanyang pag-asa. Ang payo ng mga kaibigan ay hindi nakatulong. Saan man siya tumingin, wala siyang mahanap na mga sagot sa kanyang abang kalagayan. Natira siyang nakatayong mag-isa. Ngunit kahit parang inabandona na siya ng Dios, kumapit pa rin si Job sa katiyakan na ang Dios ay kung sino Siya. Tiniyak ni Job ang kanyang pagsunod sa pamamagitan ng mga lumang salitang iyon ng pananampalataya: “Though He slay me, yet will I trust in Him” (“Kahit na patayin Niya ako, gayunpaman ay magtitiwala ako sa Kanya”).
Ito ang totoong pananampalataya: paniniwala at pagkilos nang may pagsunod sa kabila ng mga sitwasyon o ebidensyang laban dito. Dahil, kung ang pananampalataya ay nakadepende sa nakikitang ebidensya, hindi iyon magiging pananampalataya. “We walk by faith, not by sight,” isinulat ni apostol Pablo.
Walang kabuluhan sa mga Kristiano ang walang-tigil na humanap ng mga bagong demonstrasyon ng kapangyarihan ng Dios, na umasa ng dakilang pagtugon sa bawat pangangailangan, mula sa paggamot sa mga simpleng sakit hanggang sa paghahanap ng mapaparkehan ng sasakyan; dahil dito napupunta ang pananampalataya sa mga milagro imbes na sa Tagagawa nito.
Ang totoong pananampalataya ay nakadepende hindi sa mga misteryosong tanda, mga pagkilos ng mga bagay-bagay sa langit, o engrandeng dispensasyon mula sa isang Dios na nakikita bilang mayaman, at mapagkawanggang tiyuhin; ang totoong pananampalataya, sa pagkakaintindi ni Job, ay nakasalalay sa katiyakan na ang Dios ay kung sino Siya. Tunay ngang doon nga tayo ay nararapat na maging handa na itaya ang ating mga buhay.
May isang panahon kung saan may labing-isang lalaki ang ginawa ito mismo. Itinaya nila ang kanilang mga buhay sa pagsunod sa kanilang pinuno, kahit na ang paggawa nito ay laban sa lahat ng karunungang pantao. Ang akto na ito ng pagsunod ay nagbunga ng isang pananampalataya na nagpatapang sa kanila na tumindig laban sa sanlibutan at, sa kanilang buhay, ay binago ang mundo magpakailanman.
[Sila ang mga apostol ni Jesus.] (Itutuloy) bdj
Ang Tagalog na article na ito ay isinalin mula sa isang kabanata ng aklat ni Charles Colson, Loving God, pahina 31-35. Inilathala ng Zondervan at HarperCollins Publishers, taon 1987, 1990.
No comments:
Post a Comment