Ang salitang love at lahat ng anyo nito ay nabanggit nang 310 na beses sa Biblia, at kasama sa mga bagay na tinatalakay nito ay ang pag-ibig sa Diyos. Magtabi ng ilang sandali upang basahin at limiin ang mga talatang ito: Deuteronomy 6:5; Joshua 23:11; Psalm 31:23; Matthew 22:37; Mark 12:30; Luke 10:27. Sa mga talatang ito ay makikita natin ang iisa nitong sinasabi: Mahalin ang Panginoon mong Diyos. Ang mga talatang ito ay kabilang sa mga pinakamadadaling kabisaduhin—at mahirap gawin—o hindi natin talaga alam kung paano gagawin.
Noong January 22, Huwebes, ay nagkaroon kami ni Pastor na makadalo sa isang pagtitipon kung saan ay may pribilehiyo kang makakuha ng mga libreng aklat na galing sa Canada. Kagagaling ko lang noon sa Bible School kaya medyo mahina pa ang katawan ko sa pagod. At dahil dalawa lamang kami ni Tatay, dalawang kahon, isang plastic, at hawak-kamay lamang ng mga aklat at magazine ang aming nakuha, pero okay na rin—at least mayroon. Nang tinitingnan-tingnan ko ang mga aklat habang naghahanap kami na magsasakay sa amin (dahil wala kaming sasakyan, at nasa Calamba kami), nakita ko ang isang aklat na pinamagatang LOVING GOD, isinulat ni Charles Colson, isang politikong Amerikano na naging Kristiano. Nabasa ko na ang dalawa pa sa kanyang mga libro at na-challenge ako sa kanyang mga sinabi. Babasahin ko ito, nasabi ko sa aking sarili. Wala sa isip ko na ang February theme ay “Building in the Power of Love.”
January 31 ko lang naitabi ang libro. Unang Martes ng Pebrero ko ito sinimulang basahin. Sa mga unang pahina pa lang ay natagpuan ko ang aking sarili na natamaaan at lumuluha. Natamaan dahil natutunan ko ang isang katotohanang hindi ko napansin sa buhay-Kristiano ko: karamihan sa atin ay alam na dapat nating mahalin ang Diyos, ngunit hindi natin alam kung paano mamahalin ang Diyos. Ano ang itutugon mo kapag tinanong ka ng ganito, “Paano mo ba minamahal ang Diyos?” Tinanong ito ni Colson sa mga kapwa niya Kristiano at ito ang sagot: “Ah—mamahalin ko Siya, … nang buong puso, ng buong kaluluwa, at ng buong lakas,” na sa tingin ko ay pag-quote sa isang Scripture na nabanggit ko sa itaas. Ang isa naman ay mabilis na sumagot, “Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pusong mapagsamba, at pag-aalay ng sarili bilang katanggap-tanggap na handog.” Nang magtanong si Colson ng mga halimbawa, sinabi nito ang tungkol sa pagbabasa niya ng Biblia at pananalangin—sa gitna ng kanyang pagsasalita ay natigilan siya—“Teka, pag-iisipan ko muna.” Marami pang tugon na sa huli ay napapatigil dahil mukhang mali ang kanilang pakahulugan ng “pag-ibig sa Diyos.”
Ikaw, ano’ng isasagot mo? Paano mo maipapakita sa iyong buhay na iniibig mo ang Diyos? Sa pag-attend? Sa pagkakaroon ng matinding damdamin? Sa pagtigil sa paggawa ng isang kasalanan? Kung ganito ang mga sagot mo, mababaw pa ang pagkakaintindi mo kung paano mahalin ang Diyos. At nakita kong ganito rin ako kababaw.
Naluha din ako. Naluha nang malaman ko ang isang totoong pangyayari na nagpakita ng kung paano mahalin ang Diyos. Kinwento niya ang tungkol sa isang Rusong Judio na doktor na nasa ilalim na pahirap na rehimen ng Russia na komunista noong panahon ng World War. Nakakilala siya sa Panginoong Jesus at nakita niya ang kasamaan at kawalang-pag-asa ng kanyang paligid. Ngunit nakakilala na siya sa Panginoon, at ang kalayaan na naranasan ng kanyang ispiritu ang nagbigay din sa kanya ng kalayaan upang ipahayag ang kanyang naranasan—bagaman alam niyang ang pagbabahagi ng Biblia at pamumuhay ng bagong-buhay ay maaaring pagbayaran niya ng kanyang buhay. Ang siguradong kamatayan ay hindi pumigil sa kanya na ibahagi ang kanyang kaligtasan sa isang inmate na nagkasakit at napunta sa kanyang pangangalaga. Nakakilala ito sa Panginoon, at maligaya siyang nakatulog noong gabing iyon—ngunit hindi niya alam na ito na pala ang katapusan ng kanyang buhay—may pumalo sa kanyang ulo nang walong beses noong gabing iyon. Pero hindi ito naging walang-kabuluhan: ang pasyenteng ito na kanyang nadala sa Panginoon ang siya pa lamang gagamitin Niya upang dalhin ang Ebanghelyo sa Western World: si Alexander Solzhenitsyn.
Ito at ang mga halimbawa sa Biblia ang nagpapakita kung paano mo dapat mahalin ang Panginoon: pagsunod at pagtitiwala sa Kanyang Utos kahit na ang kapalit ay iyong kaginhawahan, materyal na pag-aari, pagkilala ng mga tao, trabaho, pamilya—maging ang sarili mong buhay. Ganito ba ang pag-ibig mo sa Diyos? Siyasatin mo ang iyong sarili at sikapin na magawa mo ito sa iyong buhay.
No comments:
Post a Comment