by Charles F. Stanley
Bilang mga magulang, nais natin na ang ating mga anak na maglaan ng oras kasama natin, makipag-usap sa atin, at manatiling malapit sa atin nang habang buhay. At mas mahalaga, nais natin silang gustuhin din ang kaparehong bagay. Ngunit kung hindi natin sila iibigin nang walang pasubali o kondisyon ngayon, malamang ay hindi nila gugustuhin na maging malapit sa atin sa darating na panahon.
“Ngunit hindi ba ako ang responsible para tulungan silang malinang tungo sa kanyang pinakamataas na potensyal?” maaari mong itanong. “Wala bang mga pagkakataon na kailangan kong itulak pa sila nang kaunti?”
Tumpak! Sa totoo lang, ang pagmo-motivate sa ating mga anak patungo sa kagalingan at pag-unlad ay bahagi ng pagpapakita ng walang-pasubaling pagmamahal at pagtanggap sa kanila. Kapag hinahayaan natin ang ating mga anak na basta na lamang makasabay sa buhay ay isang anyo ng hindi-direktang pagtanggi.
Kung nais mong ma-motivate ang iyong mga anak nang hindi nagpapakita ng kahit anong ugali ng pagtanggap na may kondisyon, dalawang mga bagay ang dapat na maging totoo:
Una, ang lahat ng iyong pagtulak at pagtatagubilin ay dapat na unahan ng pagpapakita ng walang-kondisyong pagmamahal sa kanila. Nararapat na magkaroon ng mga alaala ng kanilang pagiging karapat-dapat sa iyong mga mata. Sa mga alaala, ang ibig kong sabihin ay mga naunang pangyayari o pakikipag-usap na malinaw na nagpakita ng iyong pagmamahal.
Ang mga alaala ay nakakatulong dahil nagbibigay ang mga ito sa iyong mga anak ng mga bagay na maaalala para mapaalalahanan kapag tinutulak mo silang gumawa. Minsan ang iyong mga inaasahan ay magiging napakataas, at sila’y mabibigo. Kapag walang mga paalaala ng iyong walang-pasubaling pagtanggap, maaaring katakutan ng mga anak ang iyong pagkadismaya at pagtanggi.
Ang mga alaala ay maaaring maisagawa sa anyo ng isang regalo o kahit na pagbibigay ng ilang mga pribilehiyo. Sa pagbibigay ng regalo, idiin na iyon ay hindi konektado sa anumang partikular na okasyon o aksyon sa kanilang bahagi; binibigyan mo sila dahil mahal mo sila.
Pangalawa, upang maayos mong ma-motivate ang iyong anak, dapat mo siyang sukatin sa pamamagitan ng kanyang kakayahan, hindi sa kakayahan ng iba. Ang pagkukumpara ng nagagawa ng isang anak sa nagagawa ng iba pagdaka ay nakasisira ng tamang pagtingin sa sarili, pagpapahayag ng indibidwalidad, at pagiging malikhain.
Ang tunay na susi rito ay ang tingnan ang bawat isa sa iyong mga anak bilang isang indibidwal na unique, o walang katulad. Ang bawat bata ay pinagkalooban sa isang partikular na paraan. Ang iyong layunin bilang isang magulang ay ang makita ang kalakasang ito at idiin ito habang ang iyong anak na lalaki o babae ay lumalaki, sapagka’t sa lugar ng talento ng iyong anak ay nakahimlay ang pinakamalaking potensyal para sa kagalingan. Sa pamamagitan ng paglilinang ng mga kalakasang ito, ikaw ay makakagawa din ng mga dakilang bagay para sa tamang pagtingin ng iyong mga anak sa kanilang sarili.
Nung ako’y lumalaki, hindi ako naging mahusay sa high school. Naging okay naman ang lahat, pero hindi ako nagkaroon ng magandang simula. Bilang resulta, hindi ko sinabi sa aking mga anak na inaasahan ko silang makakuha ng mga A o B habang sila’y nasa eskwela. Hindi ko sinabi sa kanila na kailangan nilang makasali sa baseball team o maging pinaka-popular. Imbes, ang aking tanong ay, “Ginawa mo ba ang the best mo?” Isang magandang paraan upang malaman kung nakakaramdam ang iyong mga anak nang walang-pasubaling pagtanggap o hindi ay sa pamamagitan lamang ng pagtatanong sa kanila, “Ano sa tingin mo ang kailangan mong gawin para maipagmalaki ka ni Nanay at Tatay?”
Limiin ang sagot nang maingat. Ito ba ay may kaugnayan sa ginawa? Nararamdaman ba nila na kailangan muna nilang gawing ang lahat ng mga Gawain arawaraw o maging estudyante na puro A? Pakiramdam ba nila na sila’y obligado na makasali sa isang grupo, o makagawa ng isang gawain upang makuha nila ang iyong pagtanggap? Marahil ang sagot ay mas may-kaugnayan sa karakter. Naniniwala ba ang iyong mga anak na ang paggawa ng kanilang pinakamagaling sa bawat gawain na mayroon sila ay ang siyang magpapasaya sa’yo? Alam ba nila na maipagmamalaki mo sila sa pagsunod sa Diyos, anuman ang kapalit?
Ang kanilang sagot ay magbibigay sa’yo ng kaalaman sa kung ano talaga ang iyong naiparating, anuman ang iyong nasabi. Ang naitatag mong sistema ng pagpapahalaga ang magsisilbing basehan kung saan matatanggap nila ang kanilang mga sarili at ibang tao.
Ang pagsasabi sa iyong mga anak na tinatanggap mo sila nang walang kondisyon ay hindi sapat. Sumulat ang apostol Juan, “Mga maliliit kong mga anak, huwag tayong umibig sa salita o dila lamang, ngunit sa gawa at sa katotohanan” (1 John 3:18). Ang walang-kondisyon na pagmamahal at pagtanggap ay naipaparating nang mas malinaw sa pamamagitan ng ating ginagawa at kung paano natin ito gawin kaysa sa kung anong
sinasabi lamang natin.
Ang ating mga anak ay dapat na magkaroon ng mga nakatabing mga alaala upangmapanatili ang kanilang paniniwala na tunay natin silang minamahal, anuman ang mangyari. Ang ganitong klase ng pag-ibig ay sinasabi sa ating mga anak na tinatanggap natin sila sa kung sino sila—anuman ang kanilang nagagawa. O anong klase ng seguri-dad at pagtanggap ang naibibigay nito sa kanila!
Pinapalakas mo ba ang loob ng iyong mga anak upang magtagumpay? Hindi mo kailangang magtulak ng mga ekspekstasyon sa kanila. Kung ating ide-derekta ang kanil-ang tuon sa Panginoon, ay gugustuhin nilang maging masunurin at gawin ang kanilang pinakamagaling para sa Kanya.
Huwag mong baliwalain ang impluwensya na mayroon ka sa buhay ng iyong mga anak. Tandaan, ang paraan kung paano ka kumilos sa harap nila ngayon ay nakaka-impluwensya nang malaki sa paraan kung paano sila tutugon sa’yo bukas. bdj
Ang artikulong ito ay ibinase sa aklat ni Dr. Charles R. Stanley na, “How to Keep Your Kids on Your Team” (1986) at nakuha sa www.intouch.org, May 13, 2010. Isinalin sa Tagalog ni Elijah Abanto.
No comments:
Post a Comment