Welcome to BDJ Online!

Welcome to the Baptist's Digest Journal Online. You will still read the same articles that will challenge, motivate, inspire and inform you in the Christian Life and Doctrine.May God use this blog to whatever purpose to decides to for your life.


This blog is an online ministry of Capitol Bible Baptist Church, Tanza, Cavite, Philippines. You can visit our church's website: www.capitolbiblebaptist.multiply.com.


Saturday, July 31, 2010

Life Lessons from the Saguaro Cactus

Cactus Hotel

by Brenda Guiberson

Sa isang mainit at tuyong araw sa disyerto, may isang matingkad-na-pulang prutas na nahuhulog mula sa isang matangkad na saguaro cactus. Plop. Bumubuka ito pahiwalay pagbagsak sa mabuhanging lupa. May dalawang libo itong itim na butong nangingintab sa sikat ng araw.

Kapag lumalamig na ang simoy ng hangin sa gabi, isang matandang daga ang lumalabas at kinakain ang makatas na prutas. Ang isang binhi na naiwang nakakapit sa balahibo nung daga ay nahuhulog sa ilalim ng isang puno na ang pangalan ay paloverde.

Ito ay isang mainam na lugar para sa binhi na mahulog. Ang isang spotted ground squirrel na naghahanap ng makakain ay hindi ito nakikita. Ang isang house finch na umaawit sa taas ng paloverde ay hindi ito nakikita.

Pagkatapos ng maraming tuyong mga araw, isang malakas na ulan ang bumabagsak sa disyerto. Hindi magtatagal at uusbong na mula sa lupa ang isang batang cactus.

Unti-unti, unti-unti, ang binhi ay lumalaki. Pinoprotektahan ito ng paloverde mula sa mainit na araw at malalamig na gabi. Pagkatapos ng sampung taon ay apat na pulgada pa lamang ang cactus. Sa liit nito, ang tanging makakaakyat lamang sa matinik nitong balat ay mga langgam.

Pagkatapos ng bagyo, kapag ang mga disyerto ay namumulaklak na ng kulay, ang cactus ay humihigop ng tubig gamit ang kanyang mahahabang mga ugat at nagmumukhang mataba.

Kapag walang ulan, ginagamit ng cactus ang lahat ng tubig na kanyang naipon sa loob at nagmumukhang mapayat. Ang paloverde ay nawawalan na ng dahon. Ngunit mayroon pa ring kaunting silong para sa cactus. Pagkatapos ng dalawampu’t limang taon, ang cactus ay dalawang talampakan ang taas. Nagpapalamig roon ang isang jackrabbit at ngumunguya ng maberde nitong balat. Ngunit kapag namamataan na ang isang coyote [isang uri ng mabangis na aso], ay nagtatago ang rabbit sa isang malapit na butas sa lupa.

Pagkatapos ng limampung taon ang cactus ay tumatayo na ng sampung talampakan at mukhang tuwid at malakas sa tabi ng matandang paloverde. Sa kauna-unahang pagkakataon, may sumisibol na matingkad na puti-at-dilaw na mga bulaklak sa tuktok ng cactus. Bawat tagsibol simula ngayon, ang mga bulaklak ay bubuka nang isang gabi lamang at sasara sa kainitan ng araw. Ito ay nagsisilbing panghalina sa buong disyerto. Sa iba’t ibang bahagi ng araw at gabi ang mga ibon, bubuyog, at paniki ay dumarating para sa nectar nito.

Natutuyo ang mga bulaklak, at pagkatapos ng isang buwan ang prutas na matingkad na pula na puno ng maiitim na buto ay hinog na at handa na. darating ang isang Gila woodpecker para kumain. Tumitingin siya sa paligid ng cactus at nagde-desisyong manatili roon.

Nakahanap siya ng isang perpektong lugar sa disyerto upang magsimula ng isang bagong hotel.

Ang woodpecker ay nagsisimula nang magtrabaho, at ang tanging kasangkapang ginagamit niya ay ang kanyang mahaba at matigas na tuka. Tap, tap, tap. Bumubutas siya sa balat ng cactus. Tap, tap, tap. Malalim ang kanyang paghuhukay, upang makagawa ng espasyo na comportable at malaki.

Hindi nasasaktan ang cactus. Bumubuo ito ng isang matibay na dagta sa buong paligid ng butas upang maprotektahan ang sarili sa panunuyo. Nakakakuha ang woodpecker ng magandang pugad na malilim sa maiinit na mga araw, at mainit at insulado sa malalamig na gabi. At nakakakuha din ng pakinabang ang cactus: gustung-gusto ng woodpecker na kumain ng mga insektong makapagdadala ng sakit sa cactus.

Pagkalipas ng animnapung taon ang cactus hotel ay labingwalong talampakan na ang tangkad. Upang makapagdagdag ng espasyo, nagpapatubo ito ng isang sanga. Gagawa ng panibagong butas ang woodpecker. Kasunod ang isang white-winged dove na gagawa ng pugad sa sanga ng cactus. Sa bandang baba, sa pinag-iwanan ng woodpecker, ay papalit ang isang matandang elf owl. Pakiramdam ng mga ibon ay ligtas sila, dahil nabubuhay sila sa taas ng nakakatusok na halamang ito kung saan walang anumang makakaabot sa kanila.

Sa buong paligid ng disyerto ay may mga butas na may iba’t ibang laki, para sa mga langgam at daga, mga lizard at ahas, rabbit at fox. Pagkatapos ng isandaan at limampung taon, mayroon na ring mga butas na may iba’t ibang laki sa cactus. Tumigil na rin sa paglaki ang cactus. Ito ay limampung talampakan na, na may pitong mahahabang mga sanga. Walong tonelada na ang bigat nito—kasing-bigat ng halos limang sasakyan.

Nais ng kahit anong hayop na manirahan sa cactus hotel. Doon ay nakakapangitlog ang mga ibon at nakapagpalaki ng mga anak ang mga daga. Kahit mga insekto at paniki ay naninirahan doon.

Kapag may isang hayop na umaalis, mayroon namang pumapalit. At kada tagsibol ay dumarating sila para masarap na nectar at makatas na pulang prutas.

Paglipas ng dalawangdaang taon, ang matandang cactus na ito ay madadala ng pagihip ng hangin at babagsak sa mabuhanging lupa. Ang malalaki at matitinik nitong mga sanga ay mawawasak sa pagbagsak.

Ang mga nilalang na nabuhay sa itaas nito ay kailangan nang maghanap ng panibagong tirahan. Ngunit ang mga ilan na gusto manirahan sa may baba ay pumupunta rito. Ang isang millipede, isang scorpion, at maraming mga langgam ay madaling nakakahanap ng tirahan sa natumbang hotel na ito.

Pagkatapos ng maraming mga buwan, ang matitira na lamang rito ay mga malakahoy na pahaba na sumuporta sa cactus noong nakatayo pa ito nang matuwid. Pumupunta rin dito ang isang lizard, upang maghanap ng mga insekto. Ang isang ahas ay nagtatago sa isang silong doon.

At sa buong paligid, may isang gubat ng mga cactus na unti-unti, unti-unting lumalaki sa disyerto. Sa pagdaan ng init at lamig, pagkabasa at tagtuyot, may ilang mabubuhay nang matagal upang maging mga cactus hotel rin.



Ito ang isinalin na bersyon ng aklat na Cactus Hotel, ni Brenda Guiberson, inilathala ng Henry Holt and Company, New York, NY, noong 1991.



THE CACTUS LESSONS

By Bro. Elijah Abanto



Nung mabasa ko ang kwentong ito, ako’y namangha sa kapayakan ng pagkakasulat nito. Ngunit bukod pa roon, ako’y higit na natuwa nang ipasok ng Panginoon sa isip ko ang mayamang mga aral ng Biblia at buhay mula sa kwentong ito.



Isa mga katotohanang dapat nating matutuhan sa kwentong ito ay na tayo ay may pinagmulan. Hindi magkakaroon ng panibagong cactus kung wala munang nauna at gumawa sa atin. Ang tanong eh, nagpapasalamat ka ba sa Dios na Siyang pinagmulan mo? O yung tao kaya na ginamit Niya? Maraming mga anak ang iniiwan na lamang ang kanilang mga matandang magulang sa isang senior care house at inaabanduna na lamang sila. Hindi nila naisip na kung wala ang mga ito ay wala din sila.



Pangalawa, lahat ng nangyayari ay may dahilan ang Dios. Sa anumang pangyayari ay laging nandoon ang Dios. Isipin mo na lamang na kung walang kumapit na buto sa balahibo ng daga, may panibago kayang cactus na sisibol? Maraming mga bagay sa ating buhay na kung hindi kumilos ang Panginoon ay hindi tayo magtatagumpay. Kahit na ganung kaliit na bagay sa tingin natin, hindi maaaring walang kinalaman ang Dios doon.



Pangatlo, habang tayo ay lumalaki ay kailangan natin ng mag-aalaga, gagabay, at poprotekta sa atin. Isipin mong ikaw yung cactus. Kung walang paloverde tree, sa tingin mo ba ay lalaki ang cactus sa ganung kalaking taas? Kung wala yung paloverde, madaling makikita nung squirrel o nung finch yung binhi at makakain. Kung wala yung paloverde, maanod lang ng tubig-ulan yung binhi dahil walang ugat na poprotekta at pipigil sa kanya. Kung wala yung paloverde, walang magpoprotekta sa cactus mula sa init at sa lamig. Isipin mo ngayon na ang paloverde sa buhay mo ay iyong Dios, magulang, pastor, at ispiritwal na mga guro. Kung wala sila, ano kaya ang mangyayari sa iyo?



Pang-apat, darating talaga sa buhay ang pagsubok—ngunit ang mainam gawin ay ang matuto mula rito. Dumating ang bagyo sa panahong binhi pa lamang siya, ngunit hindi natin makikita ang cactus na nagreklamo. Imbes, pagkatapos nito, ay ginamit ng cactus ang kanyang mahahabang ugat para kumuha ng tubig mula rito. Dagdag pa rito ang aral na pagkatapos ng pagsubok, ay may pagpapalang darating—kung hindi lang tayo manghihinawa. Hindi mabubusog ang cactus sa tubig kung hindi muna siya tatagal sa matagal na buhos ng bagyo.



Makikita rin natin na pagkatapos ng bagyo ay tagsibol, at pagkatapos at tagtuyot. Isa pa nating dapat matutunan ay ang pagpapala ay dapat nating gamitin upang paghandaan ang susunod na hamon ng buhay. Kaya nag-ipon ng maraming tubig si cactus ay dahil susunod naman ang panahon ng tagtuyot. Dapat nating tandaan na hindi lang tayo dapat nagsasaya kapag may pagpapala, dapat din nating paghandaan ang darating na unos.



Nararapat na gantihan natin ng kabutihan ang ginawa sa atin ng ating mga “paloverde.” Hindi umalis sa tabi ng paloverde tree si saguaro cactus nung malaki na siya; bagkus, ay kasama niya ito hanggang sa tuluyan nang mamatay ang punong ito. Ganyan ba tayo sa ating mga magulang, o pastor, o Sunday School teacher? Napakagandang halimbawa ng cactus sa bagay na ito.



Pampito, maging pasensyoso at kuntento tayo. Lagi na akong nakakakita ng mga bata na gusto nang tumanda, gayundin naman ang matatanda na gusto nang bumata. Kawalan ito ng pasensya at kakuntentuhan. Hindi mainipin ang cactus; nung 10 years old siya 4 inches lamang ang laki niya; 25 years old na siya ay 2 feet pa lamang din siya. Nung naghintay pa siya hanggang sa maging 50 years old siya at tsaka siya naging 10 feet at nagkabulaklak at namunga. Nung tumanda siya ay patuloy lang din siya, nagbibigay tulong sa maraming hayop.



Ito ang nagdadala sa atin sa pangwalong aral: matuto tayong tumulong nang walang kapalit. Maaari mo na itong matutunan kahit bata ka pa lamang (sa batang edad ng cactus ay nakikinabang na sa kanya ang mga langgam), o sa kalagitnaan ng iyong edad (tulad ng cactus sa isang jackrabbit), o matanda na (sa mga ibon, paniki, at insekto). Kumakain sila doon, at naninirahan doon. Ngunit walang bayad. At habang naglilingkod tayo, dinadagdagan ng Dios ang ating kakayahan. Habang patagal nang patagal ay nadadagdagan ang cactus ng sanga, para mas marami pa ang makatira sa kanyang katawan.



Kapag ginugol natin ang ating buhay sa paglilingkod, ay patuloy tayo na magiging kapaki-pakinabang sa iba kahit pagkatapos ng ating buhay. Kahit patay ang cactus, mayroon pa ring nakakatira sa kanya. Mula din sa kanya nabuo ang cacti forest, o gubat ng marami pang mga cactus. Si Jesus, simula nung namatay Siya, hanggang ngayon, ay marami pa ring nababago ang buhay. Dalawang-libong taon na ang lumipas. Hindi natin kung ano ang maaaring maging bunga ng isang buhay katwiran sa bawa’t isa sa ngayon at sasusunod pang henerasyon.



Marami pa, marami pa. Kahit mula sa woodpecker, at marami pang iba roon ay mayroon kang mapupulot na aral. Ngunit ang mainam ay ang pagbulay-bulayan mo ang iyong mga natutunan at i-apply mo ito sa iyong buhay.

No comments:

Post a Comment