Welcome to BDJ Online!

Welcome to the Baptist's Digest Journal Online. You will still read the same articles that will challenge, motivate, inspire and inform you in the Christian Life and Doctrine.May God use this blog to whatever purpose to decides to for your life.


This blog is an online ministry of Capitol Bible Baptist Church, Tanza, Cavite, Philippines. You can visit our church's website: www.capitolbiblebaptist.multiply.com.


Monday, December 6, 2010

Silence: When God Speaks Clearly


by Elijah Abanto
Nito lamang nakaraang araw ay puno ng videokehan ang kalsada namin. Sa oras na ito ay wala akong naririnig, ngunit hindi na ako magtataka kung mamaya ay may marinig na naman akong ingay ng videoke. Lagi nang ganito simula noong lumipat kami sa subdivision na ito. Bihira ang isang araw na walang kantahan sa videoke sa isa mga kapitbahay namin. Minsan sa tapat namin, minsan sa katabing bahay namin sa kanan, minsan yung kasunod noon, minsan naman doon sa bahay sa kaliwa namin, minsan sa medyo mas malayo pero ang lakas abot sa lugar namin. Kung hindi naman nagvi-videoke, ay nanonood naman sila ng pelikula (hindi ko alam kung mahina lamang ang pandinig nila o gusto nilang papanoorin ang kapitbahay o ipaalam kung gaano kaganda ang sound ng kanilang speaker o TV) na pagkalakas-lakas din. Kung hindi man ganon ay mga pakikinig sa mga worldly songs ang maririnig mo—o kaya naman (minsan lang naman ito), ay sigawan ng magulang at anak. Minsan lang ganito katahimik (kung masasabi ko mang katahimikan ang paminsan-minsang pagdaaan ng mga humaharurot na sasakyan sa aming kalsada).
Sa mundong ito na puno ng ingay at gusto sa ingay, may isang boses na hindi na natin marinig nang mabuti (kung naririnig man natin): ang boses ng Dios. Alam mo bang nagsasalita pa rin ang Dios ngayon? Noon ang Dios, bago magkasala sina Adan at Eba, ay maaari mo Siyang makausap nang direkta—at maririnig mo nang malinaw (Genesis 1:28-30; 2:16-17). Simula noong magkasala ang tao, ang ganitong pribilehiyo ay nabawasan at napunta na lamang sa mga nais Niyang bigyan ng espesyal na mensahe, tulad ni Cain, Enoch, Noah, Abraham, at mga propeta. Kahit si David, ang lalaki ayon sa puso ng Dios, ay kailangan ang saserdote at propeta para malaman ang kalooban ng Dios. Dumating ang panahon na kinakausap ng Dios ang tao sa pamamagitan na lamang ng mga propeta. Sa Bagong Tipan, sa pamamagitan ni John the Baptist (Matthew 3:1-12), pagkatapos ay sa pamamagitan ni Jesus, ang Dios na nagkatawang-tao (Matthew 1:23, 25). Maging sa iglesya, tanging mga apostol lamang at mga ebanghelista ang kinakausap ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Ispiritu o ni Jesus (Acts 8:29; 9:1-16; 10:9-16; 13:2, etc.). Noong makumpleto na ang Biblia, hindi na kailanman nakipag-usap ng direkta ang Dios sa tao. Sa pamamagitan na ng pangangaral ng mga pastor at Kanyang mga anak ang Dios ay nakikipag-usap sa tao.
Ngunit may isang bagay na hindi nawala mula pa noong umpisa: nakikipag-usap nang personal ang Dios sa bawat isa sa ating Kristiano. Hindi ito mauunawaan ng mga hindi ligtas, ngunit alam ng mga Kristiano, ng mga ligtas na kinakausap tayo ng Dios nang personal. Nariyan ang Biblia, nariyan ang pastor at mga tagapagturo upang ipangaral sa atin ang kalooban ng Dios, ngunit ang Dios mismo ay kumikilos at nagsasalita sa atin. Hindi naririnig ng iba, ngunit malinaw nating naririnig—makinig lamang tayo.
Ang problema lamang, ay hindi tayo tumatahimik. Hinahayaan natin na istorbohin tayo ng ingay ng sanlibutan, ng ingay ng musikang pangmundo, ng telebisyon, ng mga tsismis, ng mga pakikipagkwentuhan sa kapwa, ingay ng magulo nating mga pag-iisip—hanggang sa punto na ang marahan at malinaw na boses ng Dios ay nasasapawan na ng ingay ng mga iyon. At huwag kang magkakamali, ikaw ang nagpapahadlang; ikaw ang dahilan kung hindi mo marinig o hindi mo marinig nang malinaw ang boses ng Dios. Dahil hindi tayo tumatahimik. Ngunit kung tayo ay tatahimik, hindi lamang natin maririnig ang boses ng Dios nang malinaw, kundi lalo tayong mapapalapit sa Kanya.
Makikita natin ang ating kasalanan. Tinanggap lamang nina Adan at Eba na sila’y nagkasala nang sila’y tumigil nang magturuan at nakinig na lamang sa sinasabi ng Dios.
Makikita natin ang Kanyang kalooban. Kapag inalis natin ang mga gumugulo sa ating relasyon sa Dios, makikita natin ang Kanyang kalooban sa atin. Doon tayo nakakapag-isip nang tama, at naliliwanagan sa mga nais sabihin ng Dios sa atin.
Maiintindihan natin ang mga katotohanang sinasabi Niya sa kasulatan. Kadalasan kapag ako’y tahimik, doon ako binibigyan ng Dios ng maraming mga kaisipan na nagbibigay-linaw sa mga tanong ko tungkol sa mga katuruan ng Kasulatan. May mga aral o utos ang Dios na hindi natin maunawaan kung bakit kailangan o dapat nating gawin, ngunit kung tatahimik lamang tayo at makikinig sa boses ng Dios, ay mauunawaan natin ito.
Mahihirapan na ang Kaaway o ang sanlibutan na akitin tayo sa mga makamundong pagnanasa. Dahil alam natin na hindi natin maririnig nang maayos ang boses ng Dios sa gitna ng mga bagay ng mundo, ay pinipigil na natin ang ingay nito na bumalot muli sa atin. Sa bawat bagay ay alam mo na ang sinasabi ng Dios, kaya mahirap na para sa mundo at kay Satanas na dalhin tayo sa pagkakasala.
Alalahanin natin na kaya nakausap nang direkta ng Dios ang mga nabanggit kanina ay dahil tumahimik muna sila sa Kanyang harapan. Ang bansang Israel ay nasakop ng ibang bansa noon dahil hindi sila tumahimik nang magsalita ang mga propeta ng mensaheng galing sa Dios, bagkus ay panay sila dahilan, panay paglalapastangan—panay ingay—ang kanilang ginawa, hanggang sa punto na pinahirapan pa nila at pinagpapatay ang mga lingkod ng Dios. Imbes na makinig at tumahimik sa harap ng pagtuturo ni Jesus, ang mga Fariseo at Saduceo ay walang ginawa kundi lumaban o hanapan ng mali ang Kanyang mga sinasabi—at pinagbayaran ng Israel nang husto ang pagkakasalang ito.
Mayroon akong napanood na pelikula kung saan mayroon akong narinig na magandang pangungusap: “Ease your storm.” Kung papayapain lamang natin ang unos sa ating mga isip at puso na dulot ng mga problema at hirap, maririnig natin ng boses ang Dios, na Siyang magbibigay ng tunay na kapanatagan sa ating isip at puso.
Bakit hindi natin ito gawin? Bakit hindi tayo lumayo sa ingay ng sanlibutan at maging tahimik at makinig sa boses ng Dios? Bakit hindi tayo pumunta sa isang lugar na tayo lamang at ang Dios ang naroon? Walang istorbo, walang ingay.
Panahon na siguro para tayo’y tumahimik at makinig sa Kanya. Nakakapagod na rin ang ingay ng videoke, ng radyo, ng telebisyon, ng awayan at sigawan. Bakit hindi tayo magpahinga? Kay sarap kayang makinig sa marahan at mahinahong boses ng Dios. bdj

If you want to avail a copy of BDJ Volume 3, Issue 43, please comment below.

1 comment:

  1. The happy family: Spouses Support is a blog that is interested in supporting and training spouses to raise their children in a proper way, and a guide towards a happy family by suggesting solutions to marriage problems and also considered a guide for women during pregnancy.

    ReplyDelete