Isipin mo ang hitsura ng mundo nang likhain ito ng Dios. Ang liwanag, ang tubig, ang lupa, ang mga halaman, ang mga ibon, ang mga nilalang sa dagat, ang mga hayop sa lupa – napakaganda, hindi ba? Dinagdagan pa ng dalawang tao, sina Adan at Eba, pinagkatiwalaan ng Dios sa pamumuno at pangangalaga ng mundo. Wala na silang hihilingin pa. Maayos ang lahat – at mananatiling maayos ang lahat, ayon sa Dios, kung hindi sila kakain mula sa Puno ng Pagkaalam ng Mabuti at Masama.
Isipin mo yung oras na lumapit si Eba sa punong iyon – ayaw mo na sigurong isipin, dalhin alam na ang kwento. Tinukso siya ng ahas at sinabing hindi totoo ang babala ng Dios na sila’y mamamatay kapag kinain yung bunga niyon, at si Eba, dahil nagdalawang-isip, ay nabuo ang hindi paniniwala sa Dios, at kinain sa bandang huli ang bunga ng punong iyon. At nagbigay pa kay Adan, na kumain din – at alam niyo na kung ano ang mga sumunod na nangyari. (Genesis 3:1-19)
Maraming nangyari pagkatapos niyon – mga masasakit, at masalimuot na mga pangyayari – at nagpatuloy ang paulit-ulit na proseso ng mga ganoong klase ng pangyayari hanggang sa lumabas ka sa mundong ito. At alam ko na masalimuot din, at masasakit, ang karamihan ng mga nangyayari sa’yo ngayon, at ayaw mo mang isipin, ay marami pa ang siguradong darating.
Ngunit ang artikulong ito ay hindi para aluin ka, pasayahin ka, o damayan ka sa anumang pinagdadaanan mo. Ito ay para ipakita sa’yo kung ano ang puno’t dulo ng lahat ng mga nangyari sa kasaysayan – mula sa pagpapalayas kina Adan at Eba mula sa Hardin ng Eden hanggang sa kung anumang nangyari sa’yo ngayon. Alam mo ba kung ano iyon? Hindi mo siguro akalaing iyon nga, pero ito – nangyari ang lahat ng nangyari dahil sa unbelief – o hindi paniniwala. Bakit ba kinain nina Adan at Eba ang bungang iyon? Dahil hindi sila naniwala sa sinabi ng Dios. At ang bunga noon? Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng sumpa mula noon hanggang ngayon (Romans 5:12).
Iyo bang naisip iyon? Ang pinakamabigat palang kasalanan sa Dios sa lahat ay ang di-paniniwala? At na ang kasalanang ito ang may pinakamabigat ding kaparusahan?
Isipin mo yung mga tao sa panahon ni Noe (Genesis 6-7). Bakit sila naiwang nalulunod at nagkakadamatay sa baha? Sa kabila ng kanilang mga imoralidad at kasalanan, maaari naman silang makaligtas doon, kung maniniwala lamang sila sa pangangaral ni Noe. Ngunit hindi sila naniwala sa babala ng Dios. Akala nila biru-biro lang. Akala nila nababaliw lamang si Noe. Magtatayo ba naman ng arko sa gitna ng bukid? Ngunit dahil hindi sila naniwala, kasama sila ng buong mundo na ginunaw sa pamamagitan ng tubig. (2 Peter 2:5; 1 Peter 3:20)
Isipin mo ang mga Israelita sa panahon ni Moises (Numbers 13-14). Paano nangyari na ang pitong araw lang na paglalakbay papuntang Lupang Pangako ay naging apatnapung taon ng pag-iikot sa parang na nagresulta sa kamatayan ng mga taong may edad 21 at pataas (14:30-35)? Dahil hindi sila naniwala sa kapangyarihan ng Dios na kaya silang iligtas mula sa gutom, uhaw, mga higante. Akala nila dinala lang sila ng Dios sa paglalakbay upang mamatay sa gutom o magapi ng mga higante. Akala nila. At iyon – patay silang lahat – dahil hindi sila naniwala.
Isipin mo rin ang Israel sa panahon ng mga hari’t propeta (1 & 2 Kings). Bakit kaya ang galit ng Dios ay bumuhos sa kanila, na nagdulot ng pagkamatay ng marami sa kanila sa pamamagitan ng tabak, gutom, salot, at iba pa? Bukod pa roon ay pagiging alipin ng mga bansang hindi nila kilala? Bakit? Dahil hindi sila naniwala ng iisa lamang ang Dios na dapat sambahin (kaya sumamba sila sa ibang mga dios-diosan), at dahil hindi sila naniwala sa mga babala ng propeta ng Dios, tulad nina Esaias, Jeremias, Ezekiel, Amos, atbp. Hindi na nila kailangan pang maranasan pa ang mga naranasan nila kung naniwala sila. Ngunit hindi – hindi sila naniwala.
Isipin mong muli ang Israel noong 70 A.D., kung saan ang pinunong Romano na si Titus ay sinalakay at pinagpapatay ang mga mamamayan nito – bata, matanda, babae, lalaki, alipin, o malaya – at kinalat at ginawang alipin naman ang iba sa iba’t ibang panig ng kilalang mundo. Ito’y katuparan ng hula ni Kristo (Matthew 24:2; Mark 13:2; Luke 19:44; 21:6), ngunit, bakit? Ito ay dahil, apatnapung taong nakalipas, ay tinanggihan ng parehong mga Israelita si Jesus (na nagresulta sa pagpako nila sa Kanya) at hindi pa rin naniwala sa kabila ng makapangyarihang patotoo ng iglesya (kaya ipinag-usig nila ito). Hindi sila naniwala na si Jesus ang Messias, ang Kristo, ang Anak ng Dios na darating sa sanlibutan. Hanggang sa panahon natin ngayon, ang Israel ay nasa estado pa rin ng di-paniniwala, kaya hinulaan sa Salita ng Dios na mananatili ang gulo sa bawat dako nila, at sila matatahimik hanggang sa dumating ang Panginoon muli.
Idagdag mo sa iyong isipan ang mga maiiwan sa mundo pagdating ng Rapture. Ang mga ligtas ay kukunin ng Dios papunta sa Kanyang piling, upang hindi madamay sa pagbuhos ng Kanyang galit (1 Thessalonians 4:15-18; 5:1-2), ngunit ang mga hindi ligtas ay maiiwan upang maranasan ang pinakamatinding pagbuhos ng galit ng Dios sa buong kasaysayan ng lupa (v. 3). Isipin mo na lang kung ano ang mga mangyayari – bubuhos ang mga salot, sakit – ngunit bakit? Bakit kailangan pa nitong mangyari sa hinaharap? Isang sagot: dahil hindi sila naniwala kay Jesus, sa Dios, sa Kanyang Salita – na patotoo ng maraming mga iglesya sa panahon natin ngayon.
At bakit maraming tao ang nasa impyerno na ngayon, at may marami pa na papunta doon? Bakit nila nararanasan (o mararanasan) ang init ng walang-hanggang apoy, uod na hindi namamatay, at pagiging hiwalay sa Dios magpakailanman (Revelation 21:8)? Bakit? Nahulaan mo na siguro, o marahil alam mo na: dahil hindi sila naniwala (o naniniwala) sa mga pangaral ng mga anak ng Dios, na galing sa Kanyang Salita. Dahil akala nung iba si Jesus at ang Biblia ay isa lamang alamat; o akala nung iba sa mga gawa nila sila maliligtas, o sa kanilang relihiyon, o sa kanilang rebulto. Hindi kasi sila naniniwala.
Naisip mo ba iyon? Na hindi pagsuway, o disobedience, ang pangunahin at pinakamalaking kasalanang magagawa mo sa Dios? Pumapangalawa lamang ito sa di-paniniwala, o unbelief. Dahil bago ka sumuway sa Dios, unang-una ay hindi mo muna pinaniwalaan na Salita iyon ng Dios, o na may konsekwensya iyon. Bakit ba ang anak ay hindi sumusunod sa magulang? Dahil hindi siya naniniwalang paparusahan siya kapag sumuway siya. Pero ang matino ang pag-iisip ay naniniwala na walang pinalalampas ng Dios.
Bakit ba ang isang Kristiano ay hindi pinagpapala ng Dios? Bakit? Dahil hindi siya naniniwala na ang pagbabalik ng ikapu, at pagbibigay, ay magreresulta sa pagpapala Niya, kahit na ano’ng sabi pa ng Kanyang Salita (Malachi 3:10; Luke 6:38), kahit pa ano’ng hindi na mabilang na halimbawa na makikita sa buhay ng ibang Kristiano. Kaya alam mo na siguro kung sino ang madalas mangutang at pagka-utangan – kung sino ang madalas na kapos o ang madalas na sapat o higit pa. Kilala mo na. Base iyon sa kung sino ang naniwala at di-naniwala.
Bakit ba may mga Kristiano na hindi lumalago, may sirang pamilya, o higit pa roon ay sira maging ang kanilang mga sarili? Dahil hindi sila naniniwala na ang pakikinig (na nangangahulugang pagdalo sa mga pagtitipon), pagbabasa at pagbubulay ng Kanyang Salita, pananalangin, at pagsunod ay magdudulot ng paglago, matibay na mga pamilya, at matitibay na mga sarili – isang bagay na malinaw naman na nakasaad sa Kasulatan (Hebrews 10:25; Joshua 1:8; 1 Thessalonians 5:17-18; 1 Peter 5:7; John 14:15, 23; cf. Psalm 1) at kitang-kita sa mga halimbawa ng mga buhay ng mga naniniwala dito. Kaya ang mga anak ay rebelde o suwail, kaya ang asawa ay mapait, at kaya sila mismo ay miserable at magulo ang mga pag-iisip. Akala kasi nila ang pagsunod sa Dios ay pahirap, pabigat, pampaalis ng saya at sigla ng buhay. Akala kasi nila, akala kasi nila.
Nakita mo na ba kung gaano kabigat ang hindi paniniwala sa Dios? Maaaring sabihin ng bibig mo na naniniwala ka naman sa Kanya at sa Kanyang Salita, ngunit iba naman ang sinasabi ng puso mo. Dahil kung ano ang nasa puso ay lumalabas sa ating mga kilos, aksyon, at desisyon. At mukha pare-pareho sa simula, ang makikita mo sa buhay ang magsasabi kung naniniwala ka ba o hindi. Puno ka ba ng hindi paniniwala? Iyan siguro ang dahilan kung bakit hindi ka nagsisimba, nagbubulay-bulay ng Salita ng Dios, nananalangin, o sumusunod sa mga ipinag-uutos Niya.
Kung nasa ganito kang sitwasyon, napakalaking kasalanan ang ginagawa mo sa Dios. Panahon na upang ikaw ay magsisi at ipahayag ang kasalanan mong ito. Ngunit kung hindi pa rin naniniwala, maghintay ka lang, napakalaki rin ng parusang darating sa’yo, o konsekwensya. At maniwala ka, hindi kita tinatakot.
KNOW MORE
Nais mo pang makita kung ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa unbelief o di-paniniwala? Basahin at pagbulay-bulayan sa iyong isip ang mga talatang ito: Matthew 13:58; Matthew 17:19-20; Mark 6:1-6; Mark 9:20-24; Mark 16:9-14; Romans 11:20-32; Hebrews 3:7-19; Hebrews 4:1-6.
PUT IT TO LIFE
Ilista mo ang mga aspeto ng iyong buhay na nagpapakita ka pa rin ng kawalan ng paniniwala sa Dios. Maging tapat; tandaan, hindi lang sa bibig ang paniniwala, nagmumula ito sa puso. Kapag nailista mo na, idalangin mo sa Dios na masimulan mo nang pagtagumpayan ito. bdj
If you want to avail a copy of BDJ Volume 3, Issue 41, just post a comment here.
No comments:
Post a Comment