Welcome to BDJ Online!

Welcome to the Baptist's Digest Journal Online. You will still read the same articles that will challenge, motivate, inspire and inform you in the Christian Life and Doctrine.May God use this blog to whatever purpose to decides to for your life.


This blog is an online ministry of Capitol Bible Baptist Church, Tanza, Cavite, Philippines. You can visit our church's website: www.capitolbiblebaptist.multiply.com.


Tuesday, September 14, 2010

Loving God (Part 2)

by Charles W. Colson

Apatnapung araw pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na muli, tinawag ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na salubungin Siya sa Bundok ng Mga Olibo (Mount of Olives). Isipin mo na lamang ang kanilang pagkasabik, dahil noong oras na iyon ay naniniwala silang ititindig na ng kanilang Amo ang Kanyang kaharian sa lupa at tutuparin na ang dakilang pangako kung saan kumapit ang mga Judio sa daan-daang taon ng pasakit at pananakop. Magiging hari si Kristo, hindi lamang ng Israel kundi ng buong mundo. At sila ay magiging nasa tabi Niya, na hinahatulan ang mga bansa, nagpapataw ng mga parusa, nagpaparangal ng mga matutuwid. Ang labing-isang lalaking ito, na karamihan ay mga mangingisdang walang-pinag-aralan, ay isinugal ang kanilang mga buhay kay Jesus; naiwala ang lahat sa Pagpapako sa Krus ni Jesus; nakita ang kanilang pag-asa na bumalik noong Pagkabuhay-na-Muli; at sa araw na ito ay makikita ang Jesus na kanilang pinagtiwalaan na naghahari sa lupa. O paanong ang tibok ng kanilang mga puso ay bumilis sa pag-aabang nila habang nagmamadali sa mga daan ng Jerusalem at pataas sa bundok.

At ang halos-walang-hinga nang kagandahan ng sandal sa nasa kanila; ang kanilang minamahal na si Jesus ay naghihintay sa kanila, nakatingin nang malalim sa bawat isang mata nila. Mismong ang Kanyang presensya ay nakapagdulot ng ganoong paghanga na isa-isa sila ay nagpaluhod sila. Ito na ang Koronasyon.

Sa wakas ang isa sa kanila ay bumulalas ng isang tanong na gusto nilang lahat itanong: “Panginoon, ikaw ba sa oras na ito ay gagawing ibalik ang kaharian sa Israel?” (Mga Gawa 1:6).

Matalim si Jesus, nangangastigo sa Kanyang tugon. “Hindi para sa inyo na malaman ang mga panahon at mga petsa, na inilagay ng Ama sa Kanyang sariling kapangyarihan.” Inutusan na Niya sila na maghintay sa Jerusalem; ngayon ay sinabi naman Niya na may isang kapangyarihan na darating sa kanila doon. “At kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, at sa lahat ng Judea, at sa Samaria, hanggang sa kadulu-dulahang bahagi ng mundo” (Acts 1:7-8).

Pagkatapos noon ay parang bigla huminga ang kalawakan, na naglalagay ng malaking espasyo sa pagitan Niya at nila. Bago pa sila makapagprotesta, wala na Siya, at umakyat sa isang ulap.

Mahirap kahit na isipin ang mga matitinding emosyon na maaari nilang naranasan sa sandaling iyon. Banal na paghanga? Nakakagilalas na takot? At anong inisyal na pagkadismaya! Naiwan na silang nag-iisa, mga tinalikuran sa kanilang sariling lupain. Kaunti lamang ang kanilang mga pinagkukuhanan ng yaman. At higit sa lahat ng mga ito, inutusan pa sila na bumalik at maghintay—ang pinakamahirap sa lahat para sa mga malalakas na lalaki na gawin.

Nalalaman kung gaano sila katao at kung saan nanggaling ang bawat isa, maaari nating isipin ang mga pagpipilian na maaari nilang pinag-isipan; si Philip, ang isang mahinang ito, ay nais na magtago sa mga burol; si James at John ay gusto na agad nang ipakalat ang salita; si Simon Zelotes ay gusto na bumuo na lamang ng isang gerilya; ang iba ay nakikita ang kanilang pag-asa sa mga pagkilos tulad ng pag-agaw ng kontrol ng gobyerno—ang mga kaparehong opsyon na kinai-interesan ng napakaraming mga mananampalataya ngayon.

Ngunit inutusan sila ni Jesus na bumalik sa Jerusalem at maghintay. Maghintay para sa ano? Laban man ito kung iisipin sa kanilang bawat pakiramdam, ang “maghintay” ang eksakto nilang ginawa. Sila ay sumunod at, mahirap man na intindihin, ay ginawa ito nang may “dakilang kagalakan.”

Sa loob ng sampung araw sila ay naghintay—120 sila lahat-lahat, nagsasama-sama sila, nang may isang pag-iisip at nagpapatuloy sa panalangin. Sila ay naghintay. At pagkatapos ito ay dumating.

Nang may pwersang tulad sa isang libong ipo-ipo ang kapangyarihang ipinangako ay nahimlay sa kanila at ang Banal na Ispiritu ay pinalakas ang mga ordinaryong lalaking ito na gawin ang Gawain ng Dios. Bawat isa sa kanila ay naging higante ng pananampalataya. Bilang resulta, sa loob ng isang dantaon kalahati ng kilalang-mundo noon ay kumilala kay Kristo.

Ang desisyon ng mga alagad na sumunod kay Jesus pagkatapos ng Pag-akyat sa langit ay nagpatunay ng isang punto ng pagbabago sa kasaysayan. Hindi na ulit tulad ng dati ang mundo.

Ang realisasyon ng mga alagad na si Kristo ay kung ano sinasabi Niyang Siya ang tumulak sa kanila sa pagsunod. Iyan ang malakasaysayang realidad ng Kristiyanismo.

Nauunawaan na ito’y napakahalaga, dahil ito ang nag-iiba ng Kristiyanismo mula sa lahat ng ibang mga relihiyon. Ang Kristianong pananampalataya ay nakahimlay hindi lamang sa mga dakilang katuruan o pilosopiya, hindi sa karisma ng isang pinuno, hindi sa tagumpay sa pagtataas ng mga moral na pagpapahalaga, hindi sa kakayahan o kahusayang-magsalita o mabubuting gawa ng mga kakampi nito. Kung magkaganon, ito ay wala nang higit na pagtawag sa awtoridad kaysa sa mga kasabihan ni Confucius o ni Mao o Buddha o Mohammed o sinuman sa libu-libong mga kulto. Ang Kristiyanismo ay nahihimlay sa katotohanang pangkasaysayan. Si Jesus ay nabuhay, namatay, at nabuhay mula sa mga patay upang maging Panginoon ng lahat—hindi lamang sa teorya o pabula, kundi sa katotohanan.

Nauunawaan iyon, ang Kristiyanismo ay dapat na maglabas mula sa mananampalataya ng kaparehong tugon na nakuha nito mula sa mga unang alagad: isang masidhing kagustuhan na sundin at lugurin ang Dios—isang ginustong pasukin na disiplina. Iyan ang simula ng totoong pagiging disipulo. Iyan ang simula ng pagmamahal sa Dios.

Para sa alagad ito ay malinaw na malinaw; malinaw silang inutusan ni Jesus na bumalik sa Jerusalem at maghintay. Ngunit paano natin malalaman ang dapat nating gawin? Ang ganyang kalinaw na mga utos ay hindi kadalasang dumarating sa ating pagkaligtas; walang boses mula sa langit na nagbibigay sa atin ng mga utos. Kaya saan tayo pupunta para mahanap ito?

May isang mambabatas, isang Fariseo na nagnanais na ilagay si Jesus sa isang patibong, ay nagbigay ng kapareho ding tanong sa Kanya ilang dantaon nang nakakaraan. “Guro,” sinabi nito, “ano ang pinakadakilang kautusan sa Batas?” (Mateo 22:36). Ang tugon ni Kristo ay naitatak sa mga alaala ng mga mananampalataya mula noon: “Ibigin ang Panginoon mong Dios na buo mong puso at buo mong kaluluwa at buong mong pag-iisip. Ito ang una at pinakadakilang kautusan.”

“Ngunit paano ba natin mamahalin ang Panginoon?” maitanong natin. Sinagot ito ni Jesus sa isang diskusyon kasama ang mga alagad: “Kung mahal ninyo ako, tuparin ninyo ang aking mga kautusan” (John 14:15). O, tulad sa isinulat ng apostol Juan paglaon, “Ito ang pag-ibig ng Dios, na tuparin natin ang Kanyang mga kautusan” (1 John 5:3).

At iyon ang nagdadala sa atin sa isang lugar: ang Banal na Biblia. Upang masunod ang Kanyang mga kautusan, dapat nating malaman ang kanyang mga kautusan. Nangangahulugan iyon na dapat natin malaman at sundin ang mga Kasulatan, ang susi sa pagmamahal sa Dios at ang simulang punto para sa pinakasabik-sabik na paglalakbay ng buhay.

Ngunit mabalaan kayo: Kung hindi ka pa handa na maalis ang iyong mga kaaliwan sa buhay, mas mabuti pa na tumigil ka nang magbasa ngayon.

Ilang taong nakalilipas may isang artikulo sa magazine tungkol sa aking ministeryo sa kulungan na nagtapos na “ang kulungan ang nagbago ng buhay ni Chuck Colson.” Nauunawaan ko naman na maaaring maisip iyon ng taga-ulat, ngunit ito ay hindi sa gayon. Maaari naman akong lumaya sa kulungan at kalimutan na lamang ito; sa totoo nga lang iyon ang gusto ko. Ngunit kahit na ang bawat makataong pakiramdam ay nagsasabi, “Alisin mo na ito sa iyong isip magpakailanman,” patuloy na inihahayag ng Biblia sa akin ang pagkasidhi ng Dios para sa mga nasasaktan at nagpapasakit at nahihirapan; ang Kanyang mapilit na Salita ay sinasabi sa akin na maawa din ako tulad Niya.

Ang “nagbago” sa akin ay hindi ang kulungan, ngunit ang pagsasapuso ng mga katotohanang inihayag sa Kasulatan. Sapagka’t ang Biblia ang siyang kumompronta sa akin nang may bagong kaalaman ng aking kasalanan at pangangailangan para sa pagsisisi; Biblia ang nagdulot sa akin na magutom para sa katuwiran at hanapin ang kabanalan; at ang Biblia ang tumawag sa akin sa pakikisama sa mga nagdadalamhati. Ang Biblia ang patuloy na humahamon sa aking buhay ngayon.

Iyon ay isang matinding bagay. Ito ay nakaka-convict. Ito ang kapangyarihan ng Salita ng Dios at ito ay, sa sarili lamang nito, ay nakakapagbago ng buhay.

Handa ka na bang magpabago nang totoo sa Salita ng Dios at sumunod sa Kanya bilang patunay ng iyong pag-ibig sa Dios? bdj

Ang Tagalog na article na ito ay isinalin mula sa isang kabanata ng aklat ni Charles Colson, Loving God, pahina 36-40. Inilathala ng Zondervan at HarperCollins Publishers, taon 1987, 1990.

Thursday, September 9, 2010

I’m Only Quoting You

by Elijah Abanto

Malamang kahit sinong tao ay ganito ang pilosopiya: that one way or the other, ay mayroon tayong pinaniniwalaan sa sinasabi ng isang tao at mayroon ding hindi natin pinaniniwalaan. Kung mayroon man akong isang personang pinaniniwalaan ng buo yun ay ang Dios; at kung mayroon man akong isang libro na pinaniniwalaan nang buo yun ay ang Biblia, dahil iyon ang Salita ng Dios. Nothing more, nothing less.

Pero may dating na kakaiba sa isang tao kapag sumipi ka sa aklat ng isang manunulat o personalidad—mas madaling isipin na kaya mo siya sinipian ng mga salita ay dahil pinaniniwalaan mo ang lahat ng kanyang mga opinyon at sinasabi—lalo na kung positibo ang tingin mo sa sinipi mo mula sa kanyang isinulat. At ito’y natural; maraming matatalinong tao na ganito ang unang reaksyon, bagaman sa kanilang pag-iisip ay kumaklaro na baka hindi naman ganito ang kaso ng sumipi.

Ngunit narito lamang ang aking sasabihin: hindi lahat ng sinisipian ko o kinukuhanan ng article ay pinaniniwalaan ko sa lahat ng kanyang sinasabi o ginagawa. Mabuti na lamang at naibigay itong suwestiyon ng aking pastor na sumulat ng isang artikulo patungkol dito para maging klaro sa mga mambabasa ang ibig-sabihin ng pagkuha ko ng mga sipi sa ibang mga kilalang Kristiano.

Para mas malinaw o para mas mapatunayan kong ganun nga ang aking katayuan ay nais kong ipakita sa inyo ang mga bagay na hindi ko pinaniniwalaan sa tatlo sa mga awtor na kinuhanan ko ng mga artikulo para sa BDJ: sina Charles F. Stanley, Charles R. Swindoll, at Charles W. Colson. (Ngayon ko lang napansin na puro “Charles” ang mga kilalang Kristiano na kinuhanan ko ng sipi o articles.)

Charles F. Stanley. Sa tatlong tao na kinukuhanan ko palagi ng articles, siya ang pinakagusto ko. Una sa lahat ito ay dahil kilala siya bilang isang Baptist. Ang ibig kong sabihin, hindi niya itinatago ang kanyang pagkakakilanlan bilang isang Baptist, kahit na kadalasan sa Amerika ang mga Southern Baptist pastors at writers, sa halos lahat ng pagkakataon, ay hindi babanggitin na sila’y Baptist. Ngunit ang pangalan mismo ng church na kanyang pinagpa-pastor-an niya ay “First Baptist Church of Atlanta,” at alam ko iyon dahil nakita ko sa kanyang TV program na In Touch with Dr. Charles F. Stanley—ibig-sabihin buong mundo ang nakakaalam na Baptist siya. At hinahangaan ko siya dahil doon. Ang kanyang mga articles sa In Touch magazine ay sinasang-ayunan ko, at sa tingin ko ay biblikal. Maaari kong sabihin na sa ngayon ay wala pa akong nababasa mula sa kanya na hindi ko sinasang-ayunan.

Ang hindi ko lang sinasang-ayunan sa kanya ay ang kanyang pananatili sa Southern Baptist Convention. Ang SBC ay hiniwalayan ng maraming Baptist pastors dahil sa ginagawa nitong kompromiso sa doktrina. Bagaman hindi mo siya maririnig na sumasali sa mga aktibidades ng SBC gaya ng ibang kilalang SB pastors at writers tulad nina Rick Warren, Josh McDowell, at marami pang iba, ay iba pa rin ang matawag na kasali sa grupong ito. Sabi nga sa Biblia na “come out of her, my people, that ye be not partakers of her sins, and that ye receive not of her plagues” (Revelation 18:4). Bagaman iba ang tinutukoy ng passage na ito, ang prinsipyo ng paghiwalay sa anumang organisasyon na mali ay nandoon pa rin.

Isa pa rito ay ang pag-tolerate ni Stanley sa mga articles na inilalathala sa In Touch magazine. Ang mga articles niya mismo ay tama at naaayon sa Biblia, ngunit ang ibang articles na hindi niya isinulat, yun ang problema. Ang ibang mga articles sa kanyang publikasyon ay sumasang-ayon sa mga modernong musika na pang-”Kristiano” daw, o kaya naman may article na ini-interview ang mga Kristiano na may maling pilosopiya. Oo nga, hindi siya ang sumusulat nito, ngunit hindi rin naman tama ang pumayag ka na mailathala sa publikasyon mo ang mali, dahil tulad nga ng sinabi ko sa mga unang talataan, mas madaling isipin na dahil kinuhanan mo ng sipi ang isang tao ay pinaniniwalaan mo ang bawat sinasabi nito at ginagawa, which is not the case, I think, kay Stanley. Ang musika sa kanyang iglesiya ay conservative. Not once did he invite anyone na may modernong “Kristianong” musika sa First Baptist Atlanta. Ngunit ang pag-tolerate, yun ang hindi ko sinasang-ayunan sa kanya.

Charles R. Swindoll. Maaaring pinakagusto ko si Stanley personally ngunit si Swindoll naman ang pinakapaborito ko. Marahil ay dahil mas marami akong libro niyang nababasa. Isa pa, his writing at paraan niya kung paano i-expound ang Scriptures ay very interesting at nakaka-disarma. Pinagpala siya ng Dios ng magandang panulat. Lagi ko ring napapakinggan ang kanyang mga mensahe sa Insight for Living, kanyang radio program na bino-broadcast sa maraming bansa kabilang ang Pilipinas (sa 702-DZAS), at sa Internet. Ang kanyang mga mensahe ay biblikal, interesante, at nakakahamon, nakakapag-bigay inspirasyon. What’s more interesting is that he is also a Baptist!

Which is also the first cause na hindi ko siya sinasang-ayunan—hindi mo maririnig sa kanyang bibig palagi na Baptist siya. Ang mga alam kong iglesya na kanyang pinagpastoran, tulad ng First Evangelical Free Church of Fullerton at sa ngayon ay Stonebriar Community Church, ay halatang wala ang pangalang “Baptist” doon. Nalaman ko lamang na Baptist siya sa isa sa mga broadcast niya sa radio at minsan ko lang iyon narinig.

Secondly, nakabasa na ako ng mga aklat ni Swindoll kung saan hindi ko sinasang-ayunan ang mga sinisipian niya ng mga salita. Minsan ay nag-quote siya ng isang Roman Catholic, si Henri Nouwen, sa kanyang aklat na Intimacy with the Almighty. Hindi ko rin sinasang-ayunan ang kanyang pagsasabi ang paggamit niya nang maraming versions para ma-klaripika ang mga medyo malalabong talata, at pagsasabi na “mas tama ang ganitong translation.” (Though pareho sila ni Stanley nang ginagamit na version, which is the New American Standard Bible, ay hindi naman nagsasalita si Stanley na mas tama ang ganitong translation.) Isa pa ay ang kanyang pilosopiya na walang unacceptable kind of music, bukod lang sa Rock. Siya mismo ay nakikinig ng Country music, ayon sa kanyang mga broadcasts at sa aklat niyang The Grace Awakening. Sinabi niya na walang problema sa kung anong musika o damit ng isang tao, though sa sarili niya ay mayroon siyang personal na convictions. Ngunit ang ganitong klase ng pilosopiya ay misleading. Dagdag pa rito ang kanyang involvement sa deeply-compromised na Promise Keepers, isang interdenominational na organisasyong directed sa mga adult men na tinatanggap ang lahat ng sekta ng Kristiyanismo.

Charles W. Colson. Isa sa mga nakakuha ng aking atensyon tungkol sa kanya ay ang istorya mismo ng kanyang kaligtasan. Isang masamang politiko na naging dedikadong Kristiano—ito ay isang kamangha-mangha at magandang patotoo sa buong mundo (tinalakay niya ito sa best-selling niyang aklat na Born Again.) Isa pa ay ang kanyang matapang at matalim na paraan niya ng pagsusulat. Kung may nakikita siyang mali, buong tapang niyang babanggitin kasama ang mga pangalang kaugnay doon. With all the wrongs set aside, gusto kong writer si Charles Colson. Isa siyang Baptist anyway.

Ngunit ang mali lang sa kanya ay ang bulgar niya ring pakikipag-fellowship sa ibang sekta ng Kristianismo, ang Roman Catholicism bilang isang kapansin-pansing halimbawa. Kino-quote niya sina Mother Teresa, Henri Nouwen, St. Augustine, Richard John Neuhaus, at marami pang ibang Catholics. Nais niyang magkaisa ang lahat ng sekta ng Kristiyanismo na naniniwala sa Fundamentals, na nakikita niyang batayan para i-fellowship o hindi i-fellowship ang isang sekta o hindi. Naniniwala siya na kapag ang doktrina ay hindi kasama sa Fundamentals na ito, ay dapat lamang na makipag-fellowship sa mga ito. Ang kanyang mga sulatin ay very convincing na kung hindi mo alam ang doktrinang tama, ay paniniwalaan mo lahat ng kanyang sinasabi.

He’s very ecumenical na sumulat pa siya ng isang aklat para sa kilusan na nagtutulak na makiisa sa mga Katoliko. Iyon ang Evangelicals and Catholics Together (isinulat niya pa ito kasama si Richard John Neuhaus, isang kilalang Catholic priest).

You may even have learned something from this. I’m glad my pastor adviced me about this. At nais ko rin na ang bawat Kristiano ay huwag gawing idol ang mga tao (kahit Kristiano, especially kahit Baptist pa ito). No one is perfectly right on something. Maaaring ako mismo ay may maling paniniwala. Ang nais ko lamang sa bawat isa ay ang paniwalaan ang Dios at ang Kanyang Salita nang buo, and from that ay kumuha ng babasahin na sumasang-ayon sa katotohanan na ito at gamitin para sa ikatitibay ng ibang mga Kristiano.

Kaunti lamang ang nakakapagpasaya sa akin nang higit sa makita ang isang Kristiano na lumago at na-encourage dahil sa aking isinulat o nilathala. bdj