Welcome to BDJ Online!

Welcome to the Baptist's Digest Journal Online. You will still read the same articles that will challenge, motivate, inspire and inform you in the Christian Life and Doctrine.May God use this blog to whatever purpose to decides to for your life.


This blog is an online ministry of Capitol Bible Baptist Church, Tanza, Cavite, Philippines. You can visit our church's website: www.capitolbiblebaptist.multiply.com.


Tuesday, August 24, 2010

Missions Stories

by Elijah E. Abanto


Mayroon ka na bang ideya tungkol sa kalagayan ng maraming misyonero sa loob at labas ng ating bansa? Ang mga kwentong ito, na isinulat ko sa mga issues ng Baptist’s Digest noong 2008, ay mga makatotohanang halimbawa ng buhay-misyonero sa iba’t ibang lugar. Nawa ang mga kwentong ito ay makatulong upang maisip nating lahat ang kahalagahan ng pagsuporta sa misyon.

KAHIT NA MAHULI

Kung mayroon lang na isang taong hindi tinatanggap sa Tsina, iyon ay isang misyonero. Malaman-laman lamang ng gobyerno na mayroon nga, agad-agad nila itong ipahuhuli. Ngunit dahil gusto ng bansa na mapaunlad ang relasyon sa pakikipagkalakalan sa buong mundo ay may oportunidad para sa mga Cristiano bilang:

Turista. Iyan ang pagkakakilala kay Joni Ilagan. Ang alam ng pamahalaan ay wala siyang ibang gagawin doon kundi ang maglibot sa iba’t ibang atraksiyon doon, ngunit, tulad ng isang TNT sa Amerika, ay may iba siyang motibo—ang ipamahagi ang Mabuting balita.
Mahirap kumilos nang kahina-hinala sa bansang ito lalung-lalo na sa mga bayan—kung saan inaasahan ang isang turistang gaya niya ay dapat mamalagi o lumilibot—dahil naroon ang mga atraksiyon ng bansa. Pero, Bahala na, nasabi niya sa sarili,  basta dapat ko itong magawa—by hook or by crook. Ngayon, sa kanyang bag, ay may mga literaturang Tsino tungkol sa Ebanghelyo, at kasama ang kanyang asawang si Dani Yeng-Ilagan, ay ipinamimigay niya sa karamihan ang mga ito. Tinuruan siya ng Mandarin ng kanyang half-Chinese na asawa, kaya nagagawa niyang makipag-usap sa lingwahe ng bansa.
Pang-limang buwan na niya sa bansa, at sa pamimigay nila ng mga literatura at pagtawag ng mga pasikretong pagtitipon, ay nakapagdala sila ng marami-rami na ring mananampalataya kay Kristo. Sa susunod na buwan ay kailangan na niyang lumisan sa lugar na iyon ng Peking (Beijing) para pumunta ng iba pang bayan para doon naman magsimula ng panibagong gawain.
“May mga sundalo sa bahaging ito, Jon,” bulong ni Dani sa kanya, kaya agad silang lumayo sa lugar.
Luminga-linga pa siya kung mayroon pang mga nakapaligid na sundalo sa paligid. Wala na. Kaya nagsimula na naman siyang mamigay ng mga babasahin. Sa kanyang pamimigay, ay may nasalubong siyang isang miyembro sa kanyang kongregasyon. Nakilala siya nito, at binati siya sa lingwahe nito. “Namimigay din ako ng babasahin, Pastor,” sabi nito sa salitang Chinese, “pero naiisip ko pa rin na baka mahuli nila ako, lalo na at papalapit na ang Beijing Olympics at padami nang padami ang  mga pinapadalang sundalo dito sa kabisera.”
Tinapik niya ito sa balikat, at ngumiti. “Ako, kahit na mahuli, wala akong pakielam, basta para sa Panginoon at maipamahagi ang Salita ng Dios.”
“Tama ho kayo,” sagot nito, sabay-ngiti. “Itutuloy ko na po ang pagbibigay, Pastor. Maraming salamat po.” Nagpaalam na ito.
Nakapagpapalakas sa kanya ang mga taong nawi-win niya dito na ginagawa na rin ang kalooban ng Dios. Alam niyang ganito rin ang nararamdaman ng kapwa niya misyonero sa bansang ito sa buong mundo. Ipinapanalangin niya na sana na marami pa ang makakilala sa Kanya—sa tulong ng Dios at mga kapatid niya sa Panginoon sa Pilipinas.

SAGIPIN SILA!

“Akin na ang bata!" sigaw sa salitang Thai ni Marvin Mallari, isang Pilipinong misyonero sa Thailand.
"Aalagaan ko siya!" sabi ng malaking lalaking Thai, na nakikipag-agawan sa kanya. Alam niyang nagsisinungaling ito. Sa loob ng datawang taon na nandito siya sa Bangkok, alam niyang ibebenta lamang nito ang bata sa nightclub.
"Huwag kang sinungaling!" at kanyang inupakan ang lalaki. "Pati mga musmos pinagdidiskitahan niyo pa! Wala kayong takot sa Diyos!" Talagang wala silang takot sa Diyos. Anak pa sila ng Diyablo.
Nakita na lamang niyang umalis ang lalaki. Nagpalakpakan ang mga bata at lumapit sa kanya. "Salamat po, Missionary!" pasalamat ng babae sa kanya, pati na rin ng ibang bata.
"Tuloy kayo sa aking bahay," imbita niya sa mga ito. Ginawa na niyang orphanage ang kanyang tahanan. Sumunod sa kanya ang hindi kukulangin sa may labinlimang bata. "lzel, maghanda ka ng makakain," sabi niya sa kanyang asawa.
"Nagamit mo yung natutunan mo sa taekwondo," biro sa kanya ng asawa sa wikang Tagalog.
Ngumiti siya. "Tulog na ba yung iba?" tanong niya rito tungkol sa iba pang batang-kalye na kanilang sinagip.
"Oo," sagot nito. "Oh, eto. Tulungan mo akong dalhin sa kanila ang pagkain."
Masayang kumain ang mga bata. Kitang-kita niya ang saya sa mga mata nito habang kumakain. Alam niyang minsan lang ganito ang mga bata. Sa labas, ay puro hanapbuhay ang ginagawa ng mga ito. At dahil ang ilan sa kagaya ng mga ito'y desperadong magkatrabaho, nauuwi ang mga ito sa trabahong child prostitute—mapalalaki, mapababae. Hindi niya maatim ang ganitong pamamalakad—lalo na at lumalaki ang mga ito nang walang kaalaman tungkol sa tunay na Diyos.
Pagkatapos kumain ay ibinahagi niya ang Salita ng Diyos sa mga ito at lahat ng mga bagong bata ay tumanggap kay Jesus bilang Tagapagligtas. Ang iba ay nandito na dati at tumanggap na rin sa Panginoong Jesus. Ang mga batang kanyang inaampon ay tinuturuan niyang magbasa, lalo na ng Biblia. Napapakinabangan niya ang mga ito sa mission work na kanyang itinayo sa siyudad. Sa loob ng dalawang taon ay may fifty na rin siyang miyembro na sumusuporta sa gawain, idagdag pa ang mga batang ito.
Sabik na siyang sumulat muli sa Pilipinas. Ipapaalam niya ang kapangyarihan ng Diyos na gumagawa sa lungsod. Alam niyang darating ang panahon at magiging mga pastor din ang mga kabataang kanyang nasagip. Basta patuloy ang tulong na dumadating mula sa ibang bansa, at ang tulong ng Diyos, alam niyang magpapatuloy ang Bible Baptist Mission of Bangkok.

2ND CLASS CITIZENS

Cristiano. Kung tutuusin sa bansa ng Cambodia ay mas kagalang-galang pa ang mga ito kaysa mismong mga mamamayan nitong iba ang relihiyon, ngunit, tinatrato silang parang nakalayang kriminal.
Si Kiara Dominguez ay bumibili ng bigas sa pamilihan ng Phnom Penh. Sa pagkakaalam niya ay 20 riel lang ang bigas, ngunit, noong siya na ang bumibili, 25 riel na ang sinisingil sa kanya bawat kilo. “Cristiano ka di ba?” sabi sa salitang Khmer ng babaeng tindera na pinapaalam na karapat-dapat siyang magbayad ng mas malaki. Tatlong taon na sila sa Phnom Penh kaya kilala na sila sa lugar. Isa pa, hindi rin nagkukulang ang gobyerno para paratangan ang mga Cristiano ng mga maling akusasyon para masira sila sa mga mamamayan nito. Wala siyang nagawa kundi ang pumayag sa kagustuhan ng tindera. Kahit naman magkano iyan ibibigay pa rin ng Diyos, sabi na lamang niya sa sarili.
“Mukhang pinagbagsakan ka ng langit,” komento ni Manuel, kanyang asawa. “Minamahalan na naman ba nila?” Tumango siya. “Hayaan mo na, Hon. Mas mabuti pa ang mataas na bilihin kaysa walang kalayaan tulad sa China.”
“Sa tingin ko mas mabuti pang mabuhay sa China kaysa rito,” nasabi na lang niya habang sinasaing ang bigas. “Hindi lang naman sa pagtataas nila ng presyo ang ikinaiinis ko. Kung tratuhin nila tayo ay parang kunti lang ang itinaas natin sa mga hayop. At least sa China alam mong hindi talaga pwede ang Cristiano. Pero dito, kahit may religious freedom, pag tinrato ka parang wala kang kwenta.”
“Kiara, hayaan mo na,” alo ng kanyang asawa, “Kahit na umabot pa sa isandaang riel bawat kilo ang bigas o ang trato nila sa atin ay maging hayop na, nandyan pa rin ang Diyos… Ganon talaga. Ipanalangin na lang nating maligtas sila.” Tumigil ito at ngumiti. “At tsaka alalahanin mo na lang ang mga nadala natin sa Panginoon.”
Oo nga, napangiti siya sa alaala. Ang mga Khmer na nadala nila sa Panginoon ay hindi 2nd class citizens ang turing sa kanila kundi totoong tao—kapantay—o mataas pa nga ang tingin sa kanila ng mga ito. Nakikinig ang mga ito sa kanilang payo, tinutulungan sila ng mga ito, at matapat na nagbibigay sa gawain ng Panginoon. Dapat nga siguro ay maging masaya siya doon.
“Oo nga,” nasabi na rin ng kanyang bibig.
Naalala na lang niya si Ropha, isang 13-anyos na babae. Natagpuan niya itong inaabuso ng isang lalaki nang paluin niya ng kahoy ang ulo ang lalaki at nailigtas ito. Nakakilala ito sa Panginoon at ngayon ay isa nang matapat na manggagawa ng misyong kanilang nasimulan.
Si Kampong, 48, ay isa ring lalaking nadala nila ni Manuel sa Panginoon. Hindi nila lubos-maisip na ang isang tagabenta ng mga bata bilang prostitute noon ay kakausapin ni Kristo at magbabago. Ngayon ay may ministry na ito laban sa child sex slavery.
Hindi lang sila ang naiisip niyang dahilan para magpatuloy. May mahigit isangdaan na silang nadala sa Panginoon na matapat na nagbibigay at naglilingkod sa Kanya.
Dapat nga siyang maging masaya. Ano ang 25 riel na bigas kumpara sa mga taong kanilang nadala kay Kristo? Hindi siya dapat na malungkot.
Besides, alam niyang may tumutulong mula sa Pilipinas para magpatuloy sila. At isa pa, si Kristo ang kakampi nila—ang hari, hindi lamang ng buong mundo, kundi ng buong kalawakan.


SINO’NG TUTULONG SA AMIN?

“God bless you,” huling salita ni Missionary Eduardo Cruz sa Hapong Baptist na humingi sa kanya ng tulong-pinansyal. Na-win niya ito sa Panginoon sa kanyang pagmi-misyon sa Osaka, Japan. Ngayon ay may tatlumpu na rin silang na-win doon at dumadalo sa kanilang pagtitipon. Masaya siya dahil ginagamit silang pamilya sa lugar na ito bagaman malayo sa mga kapwa Pilipino at mga Baptist sa Pilipinas.
“Ed, tingnan mo,” tawag-pansin ni Lora, kanyang asawa. Ito ay nagkakalkula ng mga gastusin para sa buwan na ito. Medyo nangalumbaba siya sa nakita. “We’re short ng 5000 yen para sa ating gastusin. Hindi rin masyadong sapat ang ating kinikita sa trabaho para makapag-aral nang tuluy-tuloy si Edgar at Eliezer. Tumawag pa ang Asian Baptist Clearinghouse na hindi raw nagiging faithful ang mga churches sa mission-giving para sa atin.” Bakas sa mukha nito ang lungkot. Oo, masaya siya at ang kanyang pamilya sa paglilingkod sa Panginoon, pero nalulungkot siya dahil kakaunti lamang ang mga Pilipinong Baptist na tulad nila ang tumutulong sa kanila.
“Don’t worry, nandiyan naman ang Diyos, Lora,” hinalikan niya ito sa pisngi at niyakap. “God will provide.” Tumango ito sa kanyang pahayag.
“Oo, tama ka,” sagot nito. “Pero alam mo, Ed, nagpapalungkot lang sa akin ang nangyayari sa Pilipinas. Maliit ang kanilang pananampalataya para tumulong sa Faith Promise. Oo nga at nagta-tithe at nag-o-offering sila, pero mukhang hindi nila naisip ang tumulong sa misyon.”
 “Nakakalungkot ngang isipin,” naikomento na lang ni Eduardo. Silang dalawa, bago pa man sila nakarating dito sa Japan ay matapat na silang tumutulong sa misyon. Hanggang sa ngayon nga ay sinisikap pa rin nilang makapagpadala sa kanilang home church ng pera para sa missions giving. Kaya malungkot siya ngayon dahil humihina na ang pananampalataya ng maraming mga Baptist churches para dito.
Pero alam niya na nandiyan ang Diyos. Kaya nilang magpatuloy dahil ang Diyos naman ang nagbibigay ng pangangailangan nila. Naipanalangin na lamang nila na sana makita ng bawat Cristiano ang importansya—ang kahalagahan ng pagbibigay sa misyon. bdj

Ang kwentong “Kahit na Mahuli” ay mula sa The Baptist Metropolis (dating pangalan ng BDJ) 14, April 13, 2008, p. 7. Ang kwentong “Sagipin Sila!” ay mula sa Baptist’s Digest (dating pangalan ng BDJ) 15, April 20, 2008, p. 5. Ang kwentong “2nd Class Citizens” ay mula sa Baptist’s Digest 16, April 27, 2008, p. 5. Ang kwentong “Sino’ng Tutulong sa Amin” ay mula sa The Baptist Metropolis 13, April 6, 2008, p. 5. © 2008 CYPA Paper Ministries. All rights reserved.

Saturday, July 31, 2010

Becoming Green Enough


Ang salitang “green” ay may tatlong ibig-sabihin para sa karamihan. Una, ay ang “green” na sumisimbulo sa kabataan, pagiging baguhan, pagsisimula—yun ang dahilan kung bakit karaniwang berde ang kulay ng mga ID lace ng mga first year students sa high school. Pangalawa, ay ang “green” na nangangahulugang bastos, walang-galang, marumi—tulad ng pagnanasa sa isang babae; mga bastos na joke at kwento—yan ang isa pang gamit ng “green.” Ang pangatlo, ay alam-na-alam din natin, ito ang ating kalikasan— “nature,” kung tawagin sa English. Ito ay dahil ang berdeng (o “luntian”) dahon ng karamihan sa mga puno ay ginagamit nang simbulo ng kalikasan, kaya kahit sabihin sa advertisement na “Let’s Be Green,” ay mauunawaan na natin yun—pangalagaan ang kalikasan, ika nga.


Ang tanong ay, “Are we green enough?” Ang tanong na ito’y hindi kung bata ka pa o malakas, bastos o marumi, kundi kung tinatrato mo ang kalikasan ng nararapat. Madalas na akong makakita ng mga bata na pinagsasabong ang gagamba, o sa mga matatanda, ang kanilang mga manok. Madalas na akong makakakita ng mga batang naninipa ng pusa o aso, o mga matatanda na kinakatay ang mga ito at ginagawang pulutan. Madalas na akong makakita ng mga batang pinagsisisipa ang mga halaman at hinuhugot sa lupa, o mga matatanda na nag-i-illegal logging sa mga kagubatan. Madalas na rin akong makakita ng bata at matanda na pagkatapos kumain ay itatapon kung saan ang pinagbalatan. Sanay na ako diyan. Sanay na ako kung hindi Kristiano ang gagawa niyan. Pero nagtataka ako sa ilang mga Kristiano. Ayoko mang aminin, ngunit, kadalasan din akong nakakakita ng mga ganitong klase ng tao sa loob ng iglesia.

Hindi na ako nagtataka kung pagkatapos ng service at nag-alisan na ang lahat ng miyembro at bisita ay makakakita ako ng mga balat ng candy o tsitsirya, o papel na pinagsulatan. Mas inaasahan ko iyon sa ilalim ng upuan ng mga bisita—nauunawaan ko na yun. Pero ang makakita sa ilalim ng upuan ng miyembro, na iniisip kong anak ng Dios, hindi ba parang “hindi compatible”? Ngunit, nasanay na rin lang ako. Pareho lang, walang pinagkaiba—parang lahat ng dumating ay bisita.

Are we being green enough? Hindi ko tinuturong halimbawa ang Green Peace na wala nang ginawa kundi mamulitika tungkol sa kalikasan. Hindi rin ako nakikisimpatya sa mga grupo na halos sambahin na ang kalikasan bilang Mother Nature. Hindi rin ako sumasali sa mga grupo na gumagawa ng mga hindi makatotohanang balita tulad ng “Global Warming Crisis” para magdala ng atensyon sa kalikasan. Hindi rin ako sumasali sa kanta ni Michael Jackson na “heal the world, make it a better place”! Hindi tayo dapat makisali diyan dahil una sa lahat alam na natin ang katotohanan na ang mundong ito ay gugunawin, na ang mundong ito ay pabulok na talaga nang pabulok, at wala na talaga tayong magagawa dun. Basahin mo ang Revelation—masisira talaga ang miserableng mundong ito.

Ngunit (!), ang concern ko ay tayong mga Kristiano. Paano ba natin tratuhin ang kalikasan? Mahalaga na bigyan natin ito ng pansin, dahil, kung tutuusin, tayong mga ligtas na ang pinakamay-alam na ang mundong ito ay likha ng Dios— “The earth is the LORD’s, and the fullness thereof; the world, and they that dwell therein” (Psalm 24:1) Alam natin na ang first verse ng buong Bible ay “In the beginning God created the heaven and the earth” (Genesis 1:1). Ibig-sabihin, ang unang-unang katotohanan na nais ituro sa atin ng Dios mula sa Kanyang Salita ay na Siya ang naglikha ng lahat. At kung Siya ang naglikha ng lahat, mabuting respetuhin natin ito.

Oo, masisira naman itong mundo pagdating ng panahon, sinabi na rin ng Bible, pero ang tanong, “Sino ang sisira?” Tayo ba? Hindi, alam nating ang Dios din sisira ng Kanyang nilikha. Hindi tao ang nagpadala ng baha sa panahon ni Noah kundi ang Dios. At hindi rin tao ang susunog sa lupa kundi ang Dios. Kung Siya ang tanging lumikha, Siya rin ang tanging may karapatang sumira. Hindi mo na kailangang tumulong sa gagawin Niya.

Ang responsibilidad natin bilang tao sa lupang ito, ay ang sinabi ng Genesis 1:28, “Be fruitful, and multiply, and replenish the earth, and subdue it: and have dominion over the fish of the sea, and over the fowl of the air, and over every living thing that moveth upon the earth.” Pamunuan natin, hindi sirain ang nilikha Niya. Magiging “green enough” lamang tayo kung susunod tayo sa Kanyang utos. Magtanim ka. Mag-alaga ka ng hayop. Magpataba ka lupa. Recycle. Yan ang tinatawag na pamumuno sa kalikasan.

Kristiano, huwag mo sanang isipin na maliit na bagay ito. Hahatulan tayo ng Dios sa lahat ng ginawa natin sa lupa—kahit sa Kanyang nilikha. bdj

How can you be green enough? Share your ideas at BDJ’s Facebook Page-Discussion tab!